92

Sep 29, 2017 @ 18:14

Trillanes: Bilisan ang pagbusisi sa bank transactions ni Duterte

Hinimok ni Senador Antonio Trillanes IV ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na madaliin ang pagsisiyasat sa sinasabing tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni Trillanes na ito ang dapat gawin ng AMLC sa halip na maglabas ng mga hindi karapat-dapat na statement tulad ng sinabi nilang hindi nagmula sa kanila ang mga dokumento ng Ombudsman kaugnay sa bank deposits ng pangulo.

Una nang sinabi ng Ombudsman na iniimbestigahan na nila ang accounts ng Punong Ehekutibo at ang laman ng mga dokumentong nakalap nila mula sa AMLC ay halos kapareho ng mga inilabas na impormasyon ni Trillanes noong panahon ng kampanya.

Tinawag din ni Trillanes na panggigipit ang pahayag ni Duterte na paiimbestigahan din ang mga katiwalian sa Ombudsman.

Nauna nang ibinunyag ni Trillanes na umabot sa P2 bilyon ang pumasok na pera sa account ni Duterte sa BPI.

Naniniwala rin si Trillanes na hindi nararapat ang pagpapalabas ng statement ng AMLC dahil lumilitaw na dinidipensahan at inaabswelto nito si Pangulong Duterte.

Ang dapat lamang anyang gawin ngayon ng AMLC ay bilisan ang pagsisiyasat sa bank transactions ng Pangulo upang malaman na ng publiko ang katotohanan. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?