2,691

Jul 10, 2018 @ 16:53
By

Trillanes: Bababa si Duterte sa 2019? Bitag ‘yan!

Hindi bumilib si Senador Antonio Trillanes sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bababa na ito sa puwesto sa 2019 kapag naratipikahan na ang federal constitution.

Ayon kay Trillanes, bitag lang ito ng Pangulo para pumayag ang mga senador sa pagpapaamyenda ng Malacañang sa 1987 Konstitusyon.

“That is a trap! Huwag tayo magpapaloko ulit sa mga pangakong ganyan ni Duterte,” sabi ni Trillanes.

Gusto aniyang mabago ng administrasyong Duterte ang Konstitusyon upang hindi matuloy ang nakatakdang eleksyon sa 2019 para makapagtagal sila sa puwesto.

“Nais lang niyang lokohin at ibitag ang mga senador para pumayag na mag-Cha-cha nang sa ganun ay magahasa na nila ang ating Constitution para ma-postpone ang 2019 elections at mapanatili sila sa puwesto. Di tayo dapat pumayag sa ganyang balakin,” dagdag nito.

Una rito, sinabi ng Pangulo kahapon na magbibitiw siya kapag epektibo na ang bagong Konstitusyon at gusto niyang magpa-eleksyon ng transition president na manunungkulan hanggang sa 2022 kung kailan dapat matatapos ang kaniyang termino.

Ayaw na umano ng Pangulo na magtagal sa puwesto dahil pagod na ito.

Hamon ni Trillanes sa Pangulo, totohanin ang balak nitong pagbibitiw.

Pero duda ang senador na gagawin ito ng Pangulo dahil marami na aniya itong napakong pangako gaya ng sinabing magbibitiw ito kapag nabigong sawatain ang katiwalian, krimen at illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

“Ngayon, kung gusto niya talaga mag-resign dahil pagod na daw siya, gawin niya lang agad na wala nang drama at kondisyon pa,” ani Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?