18

By

Trike driver sa Pasay tiklo sa baril

Isang tricycle driver ang inaresto matapos mahulihan ng baril nang tangkaing iwasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si Raulito Gonzales, 27-anyos na binata at miyembro umano ng Sigue-sigue Sputnik Gang.

Batay sa ulat ni Police Col Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Police Community Precinct sa CCP Complex, sa Sta. Escolastica St. panulukan ng Roxas Boulevard, Barangay 76 ng nasabing lungsod, nang maispatan ang suspek dakong ala-una ng madaling araw.

Namataan ang isang lalaki na nagmamaneho ng tricycle na nakapatay ang head light at walang plaka, kaya agad siyang pinara ng mga pulis. Subalit biglang lumiko ang sasakyan at iniwasan ang mga awtoridad at pinasibad patungong direksiyon ng EDSA.

Mabilis na hinabol ng mga pulis si Gonzales na agad namang nasakote sa panulukan ng Roxas Blvd at EDSA, Barangay 76, dito nakumpiskahan ng isang caliber .38 revolver na may tatlong bala si Gonzales na sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Nakakulong ngayon ang suspek sa detention cell ng Pasay City Police at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Pasay Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?