69

Dec 7, 2017 @ 14:22
By

Trike driver na umawat sa away, patay

Natodas ang isang lalaki matapos pumagitna sa dalawa niyang kapwa mga tricycle driver at tangkaing awatin ang mga ito sa pag aaway sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo ng Caloocan City Police, alas-10:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Barangay 14 ng nasabing lungsod. Naghahanap umano ng pasahero ang biktimang si Joey Arcega, 51-anyos, nang madaanan ang dalawang kapwa niya tricycle driver na inaalam pa ang mga pagkakakilanlan, na nag-aaway dahil sa pag-uunahan sa pila sa isang toda sa lugar.

Bumaba siya at inawat ang mga ito dahilan upang siya ang tamaan ng mga suntok ng dalawa.

Tumigil lang ang pag-aaway ng dalawang trike driver nang bigla na lamang bumagsak si Arcega at mabilis na isinugod sa ospital ang biktima.

Namatay habang isinusugod sa pagamutan ang biktima at mabilis naman na naglaho ang dalawang nag-away.

Nakatakdang sumailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima upang malaman kung ano ang naging sanhi ng kamatayan nito at nagsasawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?