297

Nov 12, 2018 @ 19:51
By

Trike driver na umawat sa away kinatay ng binatilyo

Nagmistulang kinatay na manok ang isang tricycle driver makaraang gilitan sa leeg ng basag na bote ng kanyang binatilyong kapitbahay matapos na umawat lamang sa away sa Quezon City.

Kinilala ni PO3 Alvin G. Quisumbing, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Alvin Doria Flores, 44, ng No. 89 Antique St., Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay ng nasabing lungsod.

Dineklarang dead-on-arrival ang biktima sa Quezon City General Hospital ng attending physician na si Dr. Abdulaziz Macala, dahil sa tinamong malalim na sugat sa leeg.

Agad namang nadakip ang menor de edad na suspek, 17-anyos, at residente ng No. 82 Ilocos Sur St., Brgy. Ramon Magsaysay sa nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng gabi ay nakikipag-inuman ang suspek sa isang alyas ‘Burandoy’.

Makalipas ang ilang oras ay nakitang nagkakainitan na ang binatilyo at ang kainuman nitong si Burandoy, kaya nilapitan ng biktima upang awatin ang dalawa.

Dahil sa kalasingan umano ay nadulas at bumagsak ang suspek habang inaawat ng biktima kaya nagalit ito, nagbasag ng bote at galit na ginilitan sa leeg si Flores.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?