99

Dec 20, 2017 @ 10:27
By

Trike driver na nangikil sa misis ng pinaslang na barangay chairman, tiklo

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 2 (MPD-PS 2), ang isang tricycle driver, na nagtangkang mangikil sa misis ng pinaslang na barangay chairman, kapalit ng ibibigay na impormasyon sa kaso nito, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Nahaharap sa kasong attempted robbery extortion ang suspek na si Leo Dilantar, 44, taga-Kagitinan St., Tondo, Maynila, na inaresto sa loob ng kaniyang tindahan, bandang alas-singko ng hapon.

Nabatid na nagreklamo si Kagawad Luisa Parce, misis ng dating barangay chairman na si Arnel Parce, na pinaslang ng riding in tandem noong Oktubre 11, kay Superintendent Santiago Pascual, station commander ng MPD-PS 2, na nilapitan umano siya ni Dilantar.

Sinabi ni Dilantar na magbibigay siya ng impormasyon sa pagkamatay ng kaniyang mister kung magbibigay siya ng pera.

Ang pagkamatay ni Arnel ay nakunan pa ng closed-circuit television (CCTV) camera na kung saan ay naagaw pa ng isang pipi ang baril ng suspek pero nagawa pa rin nitong makatakas.

Nalaman na nakakatanggap na umano ng death threat si Arnel dahil sa kampanya nito laban sa iligal na droga. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?