177

Dec 15, 2017 @ 10:00
By

Tricycle inararo ng UV express, 3 patay

Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang bata at sugatan ang mahigit sa isang dosena matapos na salpukin ng isang rumaragasang UV express van ang kasalubong nitong tricycle sa Zamboanga City.

Pinasok umano ng van ang linya ng tricycle kung kaya’t sumalpok ito at humagis sa isang poste ng ilaw at biglang nagliyab. Mistulang lata naman na nagkayupi-yupi ang nasabing tricycle at maging ang mga pasahero nito ay halos hindi na makilala dahil sa nagkabali-bali ang mga buto nito sa katawan.

Naganap ang insidente kamakalawa ng hapon, sa Brgy. Manicahan at nakilala ang mga nasawi na sina Jacaria Sawajaan Sakandal, 35; Berkis Sawajaan Sacandal, 33; Amani Sawajaan Sacandal, 6.

Malubha naman ang sugat na tinamo ng iba pang nasa tricycle na sina Patricia Sawajaan Sacandal, 15; Gapol Sawajaan, 11; at Nico Sali Gagaring, 19.

Nabatid na temporary license plate lamang na 090103, ang nasa van na minamaneho ni Sayyid Mustafa Dayuday Hadjail, 30.

Sumuko naman agad sa pulisya si Hadjail kasama ang konduktor nitong si Abusuhod Daming Ajibul, 29. Sugatan rin ang mga pasahero sa van na nakilalang sina Ronald Andota Dumulong, 24; Reynaldo Ponjungan Asnawi, 39; Susan Punjongan Pandita, 18; Khalid Yasin Sabturani, 47; Rahiyan Yasin Sabturani, 10; Sharifa Yasin Sabturani, 40; Junelyn Gonzales Reyes, Rajakana Kangal Majid, 42; at Mercedita Endoreyes, 36.

Nabatid na kaskasero umano ang driver ng van at inirereklamo ng mga pasahero nitong nakakakilala sa kanila. Talamak sa pagkabarumbado dito ang mga UV express driver na siyang sentro ng reklamo ng mga ibang motorista. (Al Jacinto)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?