18

By

Tricycle driver agaw-buhay

Matapos umaming hindi niya alam kung nasaan ang hinahanap, agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang tricycle driver nang barilin ito ng isang lalaki ngayong Huwebes sa lungsod ng Taguig.

Dahil sa dalawang tama ng bala sa dibdib, patuloy pa ring ginagamot sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Keyser Gonzaga, 32, na nakatira sa Dasmariñas, Cavite.

Hinahanting naman ng Taguig City Police ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Syano”.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Barangay Wawa ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na habang nakikipaglaro ang biktima ng cara y cruz ay biglang dumating ang armadong suspek na hinahanap ang pinsan ni Keyser na si Lorvie Gonzaga.

Sumagot ang biktima na hindi niya alam kung nasaan ang pinsan, na naging dahilan umano upang kaagad itong putukan nang dalawang beses sa dibdib.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sinugod naman ang biktima ng ilang taong naroroon sa nabanggit na pagamutan.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?