161

Mar 15, 2021 @ 19:28
By

Trending na #Dutertepalpak kaugnay sa COVID issue, pinalagan ng Malacañang

Inalmahan ng Malacañang ang nag-trending sa Twitter na #Dutertepalpak sa pagtugon sa COVID pandemic dahil na rin sa tumataas na kaso na naman ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung titingnan ang bilang ng mga namatay sa COVID-19 ay mababa ang fatality rate ng Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa mundo.

Mababa aniya ang datos ng COVID cases sa bansa at ngayong Marso lamang ito tumaas dahil sa mga bagong variants na lumitaw sa bansa.

“Hindi po palpak ang gobyerno. Kung titingnan po natin ang datos, napababa po natin ang kaso at itong buwan lamang ng Marso sumipa muli,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na hindi siya eksperto,hindi siya scientist o doktor, pero malinaw na ang mga bagong COVID variant ang isa sa dahilan nang pagsirit ng COVID cases.

Madali aniyang makahawa ang mga bagong variant kaya ito ang nagpataas ng bilang ng mga nagkakasakit ngayong Marso.

“Hindi ako dalubhasa pero sa tingin ko naman iyong kumpirmasyon na nasa Pilipinas na iyong mga bagong variants na mas nakakahawa ay ito ang isa sa dahilan ng surge,” dagdag ni Roque.

Ang pag-trending ng #Dutertepalpak sa Twitter world ay itinaon sa ika-isang taon simula ipatupad ang lockdown sa Metro Manila at sa buong bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?