24

Dec 21, 2020 @ 15:34
By

TRB pinapaikutan lang ng NLEX – Gatchalian

Dismayado si Senador Sherwin Gatchalian sa kawalan ng schedule of penalties sa ilalim ng kasunduan ng Toll Regulatory Board (TRB) at ng NLEX Corporation, ang operator ng 101 kilometrong North Luzon Expressway (NLEX), ang gateway ng Metro Manila sa mga karatig na probinsiya sa North Luzon.

Sa pagdinig ng Senate committee on public services noong nagdaang linggo, nadiskubre ng mga senador ang kawalan ng nakalatag na kaparusahan sa implementing rules and regulations (IRR) sa Department of Transportation order na nag-uutos para sa cashless transactions sa mga toll road sa bansa simula noong Disyembre 1.

Bukod diyan, napansin din ang kawalan ng performance standards na dapat maging basehan para mapanagot ang mga toll operator sa mga isyu katulad ng palyadong RFID kahit tatlong taon na ang nakalipas matapos lagdaan ng gobyerno at toll concessionaires ang memorandum of agreement (MOA) para sa toll interoperability at electronic toll collection na naging basehan sa pagpapalabas ng naturang order.

“Bakit tayo umabot sa ganito? Kung may regulator na itinalaga, pinapasweldo, may opisina at may kapangyarihan sa kanyang charter, bakit umabot sa ganito? Inagrabyado natin ang mga motorista. Sec. Tugade should crack the whip. The MOA is useless, it’s a mere toilet paper,” sabi ni Gatchalian.

“Kaya tayo nandito. May problema po tayo dahil we cannot measure the performance of NLEX Corp. and kayo mismo, who is the regulator, should be measuring them. Kaya tayo pinaiikutan nitong mga concessionaire ay dahil alam nila na hindi sila binabantayan,” dagdag pa nito.

Sa nasabing pagdinig, napag-alaman din ng mga senador na nagpatawag ng pagpupulong ang TRB board para talakayin ang mga problema sa RFID system noon lamang December 9.

Napag-alaman din ng mga senador na ipinatupad ang mandatory cashless toll collection kahit na walang malinaw na alituntunin, walang nakalatag na kaparusahan sa mga hindi magpapatupad ng mandato, planong lugar para sa installation at reloading lanes at hindi nasiguro kung gumagana ang lahat ng RFID sensor.

Matatandaan na umamin si Tugade sa pagdinig sa Senado na nagkaroon ng failure of leadership at failure of enforcement ang mga regulatory official na nangangasiwa sa mga expressway bunsod ng nadiskubreng kapalpakan sa pagpapatupad ng RFID system.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?