76

Jul 30, 2018 @ 18:59
By

Travel tax babakbakin ng TIEZA

Binabalak ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na tanggalin ang P1,620 travel tax na sinisingil sa mga Filipino na umaalis ng bansa.

Sinabi ni TIEZA Chief Operating Officer Pocholo Paragas, na ito ay papalitan nila ng Tourism Development Fund na P500, na sisingilin maging sa mga banyagang turista.

Sa ilalim ng Presidential Decree 1183, ang lahat ng mga pasaherong umaalis ng bansa ay sinisingil ng P1,620 travel tax sa mga nasa economy class at P2,700 naman sa mga nasa first class.

Aniya, ang P500 na ipapalit sa P1,620 ay ilalagay sa Tourist Development Fund (TDF) na gagamitin para sa pagsasaayos ng mga imprastraktura para sa mga turista na bumibisita sa bansa.

Sinabi nito na may draft bill na silang nagawa ukol dito at naisumite na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte para ito ay makapagpalabas naman ng Executive Order (EO).

Inihirit din ng opisyal sa kanyang panukala na ang ibinibigay sa Commission on Higher Education (CHED) at National Commission for Culture and Arts (NCCA) ay bawiin na para naman lumaki ang kanilang pondo.

Aniya sa ngayon, 40 porsiyento ng travel tax ay napupunta sa CHED habang 10 porsiyento naman sa NCCA.

Binanggit din ni Paragas na ang nakabinbing TRAIN 2 ay nagsisilbing balakid sa pagkakaroon nila ng TDF.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?