77

Feb 26, 2020 @ 12:35
By

Travel ban sa South Korea, ipatupad – Imee Marcos

Kinakailangang gumawa na ng agarang hakbang ang pamahalaan para labanan ang pagpasok ng COVID-19 na nagmumula sa South Korea kasunod ng mabilis na pagtaas ng kaso ng impeksiyon sa naturang bansa, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Nakatutok ang gobyerno sa pag-quarantine ng mga Pinoy crew ng Diamond Princess na kagagaling lang ng Japan, pero mukhang nadededma ang mga turistang nakakapasok pa rin galing Korea,” pahayag ng senadora sa isang statement.

Sabi ni Marcos, may direct flight na lumapag sa Cebu kagabi mula Daegu, kung saan 791 ng 977 na kaso ng impeksyon sa Korea ang naitala.

May mga direct flight din na lumalapag pa rin sa mga paliparan ng Manila, Cebu, Clark at Kalibo galing Busan, na 85 kilometro lamang mula Daegu, at tuloy pa rin ang pagbenta ng mga ticket sa ilang airline, kabilang na ang Air Asia, Air Busan, Jeju Air, Jin Air, Pan Pacific Airlines, Philippine Airlines, at T’way Air.

“Nag-warning na ang WHO sa mga developing country na ang kahinaan ng kanilang mga health care system ay magigiing sanhi ng paglaganap ng COVID-19. Ang pagiging maagap ang ating best defense,” lahad ni Marcos.

Ayon pa sa senadora, chairman ng Senate economic affairs committee, maaring kinakailangan na pansamantalang isantabi ang anumang kita na makukuha ng gobyerno mula sa mga turista galing South Korea – ang pinakamalaking tourist market ng Pilipinas – at ipatupad na ang isang quarantine o pagbukod sa mga flight passengers galing Korea.

Aniya, may 24 bansa na ang nagpatupad ng travel ban o quarantine sa mga pasaherong nanggagaling sa Korea, ayon sa pahayagang Korean Herald, ani Marcos.

May dalawang milyong South Korean tourist ang bumisita sa Pilipinas noong 2019, na nagmula sa mga paliparan ng Seoul, Busan, Cheongju, Daegu, Gimpo, Jeju, at Muan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?