147

Jan 2, 2018 @ 13:26

Traslacion 2018, malaking hamon sa MPD

Itinuturing ng Manila Police District (MPD) na isang security nightmare sa kanilang hanay ang Traslacion 2018 o ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Sa panayam, sinabi ni MPD Spokesman Erwin Margarejo, malaking hamon ang pagbabantay sa 15 hanggang 20 milyong deboto ng Nazareno, ngunit naniniwala siya na magandang pagkakataon ito para mas mapalakas at mapatibay ang kanilang paghahanda sa mga malalaking kaganapan sa bansa.

Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Margarejo ang publiko na dadalo sa prusisyon ng Black Nazarene na makabubuting magdala ng sapat na pagkain at tubig dahil mahaba at matagal ang magiging prusisyon.

Mahigpit din ang paalala ni Margarejo na huwag nang magsasama ng bata at matanda sa traslacion dahil nangangailangan ng lakas ang naturang parada.

Nagbabala pa si Margarejo na huwag magdadala ng bladed weapons, mga mamahaling cellphone at malaking halaga ng pera upang maiwasan ang masamang insidente.

Upang mapabilis ang responde, naglagay din ng police assistant desk, na may medical assistance at advance command post.

Buo rin ang puwersa ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Department of Public Works and Highways, Department of Health at iba pang mga non-government organizations o NGOs. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?