155
magdalo-gary-alejano
Nov 29, 2017 @ 13:21

Trapik: Karibal ng pamilya

By Gary Alejano

Handa na ba kayo sa mas masikip pang mga kalsada sa Metro Manila ngayong holiday season?

Sabagay, wala naman tayong magagawa kundi magtiis sa gitna ng kalsada at sayangin ang 6 hanggang 7 oras sa pagbiyahe papasok at pauwi. Mahabang oras na sana ito para makapiling ang ating mga mahal sa buhay sa ating kanya-kanyang mga tahanan.

Sa pangkaraniwang araw ay malupit na ang mga lansangan sa Metro Manila, ngunit ngayong paparating na holiday rush, inaasahan na lalong lulupit pa ang mga kalsada sa National Capital Region.

Marami akong kilala na tatlong oras ang ginugugol sa pagpasok sa trabaho kahit may sariling sasakyan at kapag minalas-malas sila sa pag-uwi ay tatlo hanggang apat na oras naman ang nasasayang sa biyahe bago siya makarating sa kanilang bahay.

Nakakapanghinayang ang nasasayang na oras na ito dahil imbes na gamitin sa pagpapahinga o pakikipag-bonding sa ating mga mag-anak ay nauubos na lang sa pagbiyahe sa mala-pagong na daloy ng trapiko sa ating mga pangunahing kalsada.

Naging karibal at kaagaw na ng mga bata sa aruga ng kanilang nagtatrabahong mga magulang ang trapik na hanggang ngayon ay hindi masolusyunan ng ating gobyerno kahit isa ito sa mga suliraning ipinangakong reresolbahin ng administrasyon sa loob ng unang tatlong buwang panunungkulan nito.

Ang masama pa dyan, ang trapik, base sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa mula sa Toronto, Canada, ay nagdudulot din ng iba’t ibang sakit tulad ng kanser dahil sa mga usok mula sa mga sasakyan.

Malaki din daw ang epekto ng trapik sa pag-iisip ng mga taong apektado dahil hindi makapag-isip ng maayos ang mga motorista kung palaging naaabala sa mahabang trapik. Kaya naman, madalas na mainit ang ulo ng mga nagmamaneho.

Tumataas din daw ang presyon ng dugo ng mga taong naiipit sa trapik lalo na kung nagmamadali o kaya may emergency. Masama ang dulot nito sa kalusugan dahil maaaring humantong ito sa atake sa puso at stroke.

Matindi din daw ang epekto ng trapik sa wastong nutrisyon ng mga tao na dahil sa pagmamadali ay hindi na kumakain para hindi lang mahuli sa trabaho at pag-uwi naman ay said na ang lakas kaya hindi na makakain. Bukod pa ito sa matinding stress na malaki rin ang epekto sa kalusugan ng isang tao.

Totoong kailangan natin maghintay dahil ginagawa na rin naman ang mga proyektong maaaring makakabawas sa problema ng trapiko sa Metro Manilla, ngunit sana man lang ay mga hakbang ang administrasyon upang mabigyan ng panandaliang solusyon ang suliranin na ito nang sa gayo’y mapangalagaan ang kalusugan ng mga tao at mabigyan ang ating mga mamamayan ng sapat na panahon sa kanilang pamilya na siya namang pinakamahalagang kayamanan ng isang bansa.

Ngunit, hindi ibig sabihin nito ay emergency powers na ang sagot. Isang maayos na pagsusuri ng problema upang makahanap ng wasto at tugmang solusyon ang mas naaangkop na sagot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?