94
bylines-milky-rigonan
Oct 18, 2017 @ 14:28

Transport strike at destab?

Kung pagbabasehan ang report ng Philippine National Police, generally peaceful ang dalawang araw na transport strike ng PISTON noong Lunes at Martes.

Sa kabila nito, sinuspindi ng gobyerno ang pasok sa lahat ng government offices nationwide.

Kanselado rin ang pasok , all levels sa private and public schools sa buong bansa.

Ikalawang transport strike ito na inilunsad para tutulan ang jeepney phaseout.

Naunang nagkasa ng dalawang araw na tigil-pasada ang Stop&Go Coalition noong September, pero hindi masyadong naramdaman. Isang araw lang at hindi na itinuloy ang pangalawa. Di rin ito nagresulta ng pagkansela sa pasok sa mga eskuwelahan at government work.

Pero this week, sa dalawang araw na tigil-pasada ng Piston, dalawang araw din na walang pasok ang mga estudyante at government employees sa buong bansa.

Sa interview ng DZRH sa mga opisyal ng LTFRB, may “kulay pulitika” daw ang transport strike ng Piston at may ilang mga grupo ang sasakay umano sa isyu para maisulong ang destabilization efforts laban sa Duterte administration.

Ito umano ang pangunahing dahilan kaya kinansela ng Palasyo ang pasok ng mga estudyante at mga tanggapan ng gobyerno kasabay ng dalawang araw na transpo strike ng Piston.

Sabi ni Senator Panfilo Lacson, pwedeng may mabigat na intel report na natanggap si Pangulong Rodrigo Duterte at hindi pwedeng kuwestiyunin ang desisyon nito para sa suspindihin ang pasok sa gobyerno at mga eskwelahan.

Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na hindi tama dahil nade-delay ang mga trabaho sa mga ahensiya ng gobyerno.

Sa panig ni Senator Chiz Escudero, pangit ang dating ng dalawang araw na nationwide suspension sa government work at pasok sa eskwela. Para kasing hawak sa leeg ng transport groups ang gobyerno kung hindi pagbibigyan sa kanilang gusto.

Sa dalawang araw na walang pasok sa mga government agency, malaki ang epekto nito sa ekonomiya.

Paralisado ang mga transaksiyon sa pamahalaan dahil lang sa tigil-pasada ng isang grupo.

Sabi ng Piston, may mga susunod pa silang tigil-pasada para patuloy na i-protesta ang PUV modernization program.

Kung matutuloy ito, ibig ba sabihin suspindido na naman ang trabaho sa gobyerno at pasok sa mga eskwela?

Sarado ang isip ng Piston at iba pang transport groups laban sa isyu ng jeepney phaseout kaya paghandaan na lang gobyerno ang epekto ng mga tigil-pasada sa halip na paulit-ulit na “hino-hostage” ang buong bansa sa usapin lang ng PUV modernization program.

Sa kabilang banda, “better safe than sorry” ang tiyak na sagot ng  Palasyo.

Sa pagsasalita ni Pangulong Duterte sa Bicol, inakusahan nito ang Piston at dalawa pang grupo na front ng CPP-NPA..

Ito ang sinasabing ” kulay ” para gamitin ang transpo strike

para mailunsad ang destab attempt ng mga makakaliwa laban sa gobyerno.

Ibinulgar ito ng Pangulo sa harap pa rin ng panibago at mas mahabang tigil-pasada na pina-plano ng Piston kasama na ang Stop&Go Coalition.

Pero sa banta ng Pangulo, hindi nya na papayagan na makaperwisyo ang Piston gamit ang krusada umano ng transport groups.

Sabi ng Pangulo, marami siyang mga pulis para magsagawa ng pag-aresto sakaling maka-perwisyo uli ang naturang mga samahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?