210

Nov 9, 2017 @ 17:31
By

Transport firm na ‘Angkas’, ikinandado sa Makati

Ipinasara ng pamahalaang Lungsod ng Makati ang tanggapan ng transport firm na Angkas na nasa Natividad Building sa Chino Roces Avenue Extension sa Makati City.

Sa rekomendasyon ng Makati Business Permit and License Office (BPLO), ipinasara ng Office of the Mayor ang Angkas Training Center dahil ilegal ang operasyon dahil wala itong business/mayor’s permit.

Ang Angkas ay transportation service na “habal-habal” type o gumagamit ng motorsiklo para sumundo at maghatid ng pasahero. Kinukuha ang kanilang serbisyo sa pamamagitan cellphone app na tulad sa Grab at Uber.

Nadiskubre na walang business permit ang Angkas nang gulatin ito ng inspeksyon kanina ng BPLO, kasama ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Land Transformation Office and Highway Patrol Group.

Isinagawa naman ang inspeksyon ng pamahalaang lungsod dahil hiningi ng LTFRB ang tulong ng tanggapan ni Makati Mayor Abby Binay para masuri ang operasyon ng Angkas dahil nasangkot na sa maraming aksidente sa trapiko ang mga partner-driver nito.

Ang kawalan ng business/mayor’s permit ay paglabag sa Revised Makati Revenue City Ordinance No. 2004-A-025.

Kasabay ng pagpapasara ng tanggapan at ng pagpapatigil ng operasyon ng Angkas ang abiso ng Office of the Mayor na maari itong pasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?