24

By

Transparency sa pamamahala

Sharing is caring!

Sa gitna ng iba’t ibang masasalimuot na isyu, isang positibong tala ang mataas na ranggo ng Pilipinas sa Open Budget Survey (OBS) para sa 2017 na inilabas kamakailan ng International Budget Partnership (IBP).

Ang IBP ay isang international organization na pinag-aaralan ang budget ng iba’t ibang bansa kada dalawang taon.

Ayon sa survey, nanguna ang Pilipinas sa buong Asya sa Open Budget Index (OBI) sa score na 67 – mas mataas nang pitong puntos sa Japan at South Korea na parehong may score na 60 – at sinundan tayo ng Indonesia (64) at Jordan (63).

Sa worldwide rankings, pang-19 ang naging puwesto natin sa mga kasali sa survey na binubuo ng 115 bansa. Forty-two points lang ang OBI global average, 25 puntos na mababa at malayong-malayo sa score nating 67.

Isang elemento ang transparency sa good governance. Kung may transparency, nagiging mas epektibo ang paggampan ng mga namumuno sa kanilang tungkulin. Available lagi ang mga impormasyon na maaaring maging panukat sa kanilang performance. Alam ng lahat kung ano ang dapat asahan.

Kapag may transparency, walang lihim sa anumang transaksiyon ng gobyerno. Sabi nga, mas mataas na transparency, mas malawak na abot ng social services. Kapag ganito, ang mga mamamayan ang panalo!

Sa global community, ang transparency ay nakatutulong sa pagyabong ng kooperasyon sa ugnayan ng mga bansa dahil mas bukas at malaya ang nagiging daloy ng impormasyon na bumubuo ng tiwala.

Sa pangkabuuan, isang mahalagang sangkap ang transparency sa pagpapaandar ng ekonomiya at sa pagsusulong ng mga kapakanan ng mga sektor sa lipunan. Ang transparency ay nagbibigay-daan sa pagkakaroon ng accountability sa pamamahala.

Naging mga pangunahing basehan ng IBP sa pag-survey ang naging partisipasyon ng mga mamamayan sa proseso ng pagbuo ng budget; ang naging paggampan ng lehislatura sa paggawa ng national budget; at pati na ang mga impormasyong hayagang isinapubliko ng gobyerno.

Sa kabila ng protesta ng ilan na “hindi isinasali ang mga tao sa pamamahala,” nakapagtala ang Pilipinas ng score na 41 sa kategorya ng “public participation indicator,” lampas tatlong beses na mas mataas sa global average score na 12.

Kung ito ang batayan, masasabing buhay na buhay dito sa atin ang tinatawag na “participative democracy.”

Sa kategorya ng “budget oversight,” 65 ang ating naging score dahil ayon sa survey, nagawa ng Kongreso at ng Commission on Audit ang kanilang trabaho pagdating sa budget formulation at oversight. Isang indikasyon ito na ginagampanan ng ating mga demokratikong institusyon ang mga tungkuling inaatang sa kanila ng taumbayan at ng Saligang Batas.

Hindi lang moral, praktikal din ang transparency. Kumbaga sa loob ng ating tahanan, gusto natin na hindi nakukulob ang ating mga kagamitan para hindi namamaho. ‘Di po ba’t mas maganda na ang ating bahay ay nasisikatan ng araw at tagus-tagusan ang hangin para walang alimuom?

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?