22

Sep 14, 2021 @ 12:53
By

Transaksyon ng Pharmally ‘shortcut’ sa korapsyon – Hontiveros

Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na kulang-kulang pala ang dokumentasyon ng mga transaksyon ng kumpanyang Pharmally, matapos na aminin ng incorporator nito na si Krizle Mago na wala pala silang pruweba ng delivery order.

“Bakit may shortcut ang Pharmally? Mukhang shortcut to corruption itong transkasyon ng Pharmally at PS-DBM. Walang order, pero may resibo? Under the table ba ang usapan?” ayon kay Hontiveros.

“Pharmally’s incorporators seem to be naive entrepreneurs, intent on profiteering and making a quick buck, and PS-DBM was a willing enabler,” saad pa nito.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, tinanong ni Hontiveros si Mago kung hawak ng Pharmally ang apat na dokumento upang makumpleto ang procurement: delivery order, delivery receipt, inspection and acceptance report ng delivery, at statement of account ng delivery.

Sagot ni Mago, wala silang delivery order, ngunit meron daw ng iba pa.

“Sa apat na dokumentong pinakakailangan, delivery order pa talaga ang wala. Iyan ang pinaka-unang papel na magpapatunay na maayos ang dinaanang proseso para sa pagbili ng health supplies. First step palang, mali na agad. Inamin din ng kawani ng PS-DBM na pinilit sila ng management na pekehin ang mga inspection reports na kailangan sa paglabas ng mga tseke. It only speaks of PS-DBM’s gross negligence or complicity,” ani Hontiveros.

“Ang Pharmally na-fast track ang transaksyon pero pagdating sa Special Risk Allowance ng ating healthcare workers, pahirapan makakuha. These lapses in checks and balances may have also contributed to many of our HCWs contracting COVID-19 because of substandard PPEs,” dagdag nito.

Ayon pa kay Hontiveros, tila nakakuha ng kasunduan ang Pharmally sa pamamagitan lamang ng mga referral ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang.

Dagdag nito, napakarami sanang tanong ng kumite tungkol sa papel ni Yang sa mga transaksyong ito, ngunit hindi humarap si Yang sa pagdinig sa Senado dahil sa altapresyon.

“Pinahirapan ng PS-DBM ang local suppliers samantalang laway lang ang puhunan ng mga Chinese suppliers at ni Michael Yang. He should appear in our next hearing. His testimony is crucial to our hope to piece together the big puzzle that is the relationship between Pharmally and PS-DBM. Similarly, his colleague, Rose Nono Lin, should be present. Na-subpoena na siya. She has no excuse to skip an important national investigation,” lahad ni Hontiveros.

“After every hearing, I do sense that we are getting closer to the truth. Wala nang mapagtataguan ang mga kamalian ng Pharmally. At hindi hihinto ang Senado hangga’t masiguradong lumabas ang totoo,” pagtatapos nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?