83

Oct 28, 2017 @ 16:11

Trak ng saging, tumagilid sa EDSA

Isa na namang 6-wheeler truck na may lulang libu-libong saging ang tumagilid matapos mawalan ng preno subalit masuwerte namang walang iniulat na namatay, nasugatan o nadamay na mga sasakyan kahapon ng umaga sa EDSA, Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, ang aksidente ay naganap dakong alas-11:00 kaninang umaga sa southbound ng EDSA patungo sa Nepa Q-Mart ng nasabing lungsod, na naging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Dahil dito ay sumabog at nagkalat ang saging sa panulukan ng EDSA at Kamuning Road sa nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ni Allan Desundario, driver ng truck, mula Kamuning ay palabas at pa-kaliwa na umano siya sa EDSA patungong Nepa Q-Mart upang mag-deliver ng saging.

Subalit habang papaliko sa kanto ng EDSA ay bigla na lamang hindi kumagat ang preno ng kanyang minamanehong trak at upang hindi makabangga ng mga nasa unahang sasakyan ay mabilis niyang kinabig ang manibela at ibinangga na lamang sa isang pader.

Agad na inilipat sa ibang truck ang mga kargang saging habang inayos ang tumagilid na 6-wheeler ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Magugunitang nitong Huwebes lamang, lima katao ang namatay habang 13 ang malubhang nasugatan

makaraang mawalan din ng preno at tuluy-tuloy na dumausdos pababa ng kalsada ang isang 22-wheeler truck na may lulang malalaking bakal at inararo ang mga sinusundang sasakyan at sinagasaan din ang mga naglalakad na tao sa San Mateo IBP Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City. (Dolly B. Cabreza/Trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?