87

Jun 9, 2019 @ 12:50
By

Trak nawalan ng preno, sumalpok sa puno, 7 patay, 38 sugatan

Patay ang 7 katao habang 38 iba pa ang sugatan, ilan sa mga ito ang nasa malubhang kalagayan matapos na mawalan ng preno ang sinasakyan nilang trak habang binabagtas ang palusong na kalsada at sumalpok sa malaking punongkahoy kamakalawa ng hapon sa Barangay Tagpocol, San Fernando, Camarines Sur.

Dead on the spot ang mga biktimang nakilalang sina Ailene Pelaez y Mirasol; Sherwin Mendoza y Ercia; Ramona Pelaez y Mirasol; Pedro Pelaez y Sablaon; Edcel Regodon; Erwin Mendoza; at Victoria Delos Reyes y Longete.

Samantala sugatan naman ang 38 iba pa kabilang ang drayber na nakilalang si Mario Jacobo, kung saan ilan s amga ito ay nasa malubhang kalagayan at patuloy na ginagamot sa Bicol Medical Center.

Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, naganap ang insidente dakong alas 5;20 ng hapon sa kahabaan ng municipal road sakop ng Barangay Tagpocol ng nabatid na bayan.

Napagalaman na galing na pamamanhikan sa Barangay Pinamasagan ng nabatid na bayan ang mga biktima at pauwi na ang mga ito sakay ng Foton truck na may plakang GC 2316 na nakarehistro sa Local Government Unit (LGU) ng San Fernando.

Subalit pagsapit sa palusong na bahagi ng Barangay Tagpocol ay nawalan umano ng preno ang nasabing trak dahilan upang magtuloy-tuloy itong smalpok sa malaking puno sa tabing kalsada.

Dahil sa mabilis ang takbo ay karamihan sa sakay ng trak ay tumilapon at nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan dahilan ng agarang pagkasawi ng pitong biktima.

Mabilis naman ang responde ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Camarines Sur at agad dinala sa nabatid na ospital ang mga sugayang biktima.

Samantala isa sa tinitignang dahilan ng aksidente ay overloading dahilan upang hindi umano kumagat ang preno sa palusong na bahagi ng kalsada subalit upang makasiguro ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?