43

Jul 11, 2021 @ 15:10
By

Training ng guro gastusan para maiangat edukasyon – Solon

Kailangan umanong maglaan ng bilyun-bilyong pondo ang Kongreso para sa pagsasanay sa mga guro sa pampublikong paaralan upang maiangat ang kasanayan ng mga estudyante.

Ayon kay Cebu Rep. Eduardo Gullas, naglalaan lamang ang gobyerno ng P723 kada guro bawat taon para sa formal in-service training.

Sinabi in Gullas na dapat gumastos ng P5,000 hanggang P10,000 kada guro bawat taon para madagdagan ang kakayahan ng mga guro sa pagtuturo ng English, Math, at Science.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, ang Department of Education (DepEd) ay mayroong P675 milyon para sa in-service training, mas mababa sa P780 milyong pondo noong 2020.

“We have to invest more aggressively in the professional development of our teachers to continuously improve their performance on the job and to motivate them,” wika pa ni Gullas.

Mayroong 932,740 empleyado ang DepEd at karamihan dito ay classroom teacher.

Dapat din umanong kunin ang tulong ng University of the Philippines, Philippine Normal University, at Development Academy of the Philippines upang matiyak na may matutunan ang mga guro.

Batay sa huling report ng World Bank, kulang ang natutunan ng mga estudyante sa Pilipinas. Mahigit 80% sa kanila ang mas mababa sa minimum level ng inaasahang kasanayan na natutunan sa eskuwelahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?