806

Nov 4, 2017 @ 18:30

Training aircraft ng PAF nag-emergency landing, 2 piloto sugatan

Sugatan ang isang piloto at co-pilot ng Philippine Air Force (PAF) matapos mag-emergency landing ang kanilang sinasakyang training aircraft sa Barangay Colongan, Rosario, Batangas kahapon.

Kinilala ang mga sugatang piloto na si Major Gemar Tangacalagan habang ang co-pilot nito ay si First Lieutenant Jaimaca Ann Acojedo, kapwa mga miyembro ng PAF.

Sa ulat ng Rosario Municipal Police Station, alas-5:40 ng hapon kahapon nakatanggap sila ng tawag na may isang T41 trainer aircraft ang nag-emergency landing sa sugarcane plantation na makikita sa Sitio Villa Ilayang, Barangay Colongan, Rosario, Batangas na pag-aari ng isang Rene Arias.

Sa nangyari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima na agad na isinugod sa ospital.

Sa ngayon ay nasa Fernando Air Base, Lipa City na ang training aircraft.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at PAF sa insidente. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?