43
magdalo-gary-alejano
May 30, 2018 @ 16:35
By

Train Law suspendihin

Hindi raw manhid ang ating Pangulo sa paghihirap ng ating mga kababayan kaya iniutos nito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na tipunin ang mga Regional Wage Boards para tugunan ang tumitinding epekto ng TRAIN Law sa pamamagitan ng posibleng dagdag-sahod para sa mga manggagawang Pilipino.

Nagpapanakip butas na naman ang administrasyong Duterte sa lumalalang problemang kaakibat ng TRAIN. Hindi na sila magkandaugaga sa pagpapakalma sa patuloy na pagngingitngit ng taumbayan sa walang tumpik na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kung tutuusin, hindi naman tayo aabot sa puntong ito kung hindi isinagasa ng mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso ang pagpasa sa TRAIN Law ng walang masusing pag-aaral at paghahanda sa mga magiging epekto nito.

Ngayon, hindi tayo nakasisiguro na pahihintulutan ng mga Regional Wage Board ang umento sa sahod o kung magkaroon ma’y magiging sapat ang umentong ito para pagaanin ang kalbaryo ng pangkaraniwang Pilipino na siyang lubos na naapektuhan ng TRAIN Law.

Saka-sakali MANG magbigay nga ng dagdag-sahod ang mga Regional Wage Board ayon sa kautusan ng Pangulo, paano naman ang mga kababayan nating nasa impormal na sector o yung mga nabibilang sa tinatawag na “underground economy” na hindi nakadepende sa minimum wage upang kumita?

Nasa humigit-kumulang 15.6 milyong impormal na manggagawa ang hindi makikinabang sa umento sa sahod gaya ng mga drayber ng dyip, mga nagpe-pedicab, mga sidewalk vendors, at marami pang iba. Gayunpaman, patuloy pa rin silang dadagukan ng mataas na presyo ng mga bilihin, kabilang na ang gasolina. Wala na ngang dagdag-sahod, bawas pa ang kita dahil sa nagsisitaasang mga presyo.

Kung talagang ang kapakanan ng masang Pilipino ang prayoridad ng ating Pangulo, hindi siya mag-aatubili na suspindihin muna ang TRAIN Law at pag-aralan kung paano mas epektibong maipapatupad ang naturang batas ng hindi nakakaperwisyo sa ating mga kababayan.

Hindi sapat ang dagdag-sahod kung mayroon pa rin naming maghihirap na Pilipino. Tandaan natin na malaking bahagdan ng ating populasyon ay hindi naman nakinabang sa tax exemptions na siyang ipinagmamalaki ng administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?