81
magdalo-gary-alejano
Jul 16, 2018 @ 14:52
By

Train law malabong isuspende

Tila wala talagang balak ang administrasyong Duterte na suspendehin ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na pumipiga ngayon nang husto sa mga mahihirap. Kung kaya’t asahan pa natin ang mas matinding parusa na pagdadaanan ng ating mga kababayan sa mga susunod na buwan at mga taon.

Habang pahirap nang pahirap ang mga tao, ipinagmalaki naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa unang anim na buwan ng 2018 na umabot sa P967.4 Billion ang kanilang tax collection. Mas mataas umano ito ng 13% sa kolekta noong 2017 kung kailan hindi pa iniimplementa ang TRAIN Law.

Noong Hunyo 2018, umaabot sa P136.9 Billion ang nakolektang buwis ng BIR o mas mataas ng 4% kumpara ng parehong buwan noong 2017. Sa buwang ito rin tumaas sa 5.2% ang inflation rate. Makikita na ang dagdag na koleksyon ay galing sa dagdag buwis na ipinapataw ng TRAIN sa mga pangunahing bilihin. Mahihirap ang direktang tinatamaan at sinasagasaan sa sistema ng pagbubuwis na ito.

Lahat ng mga bilihin lalo na pagkain, mula bigas hanggang sa ilulutong ulam, kasama na ang serbisyo publiko tulad ng pasahe at kuryente, ay tumaas ang presyo dahil sa TRAIN Law. Ang mga mahihirap nating kababayan ay lalo pang humihirap ang kalagayan.

Lalong walang plano ang Malacanang na bawiin ang bagong buwis na ito dahil kailangan nilang maipakita sa mga nagpapautang sa kanila na mayroon silang pagkukunan bilang pambayad. Sa susunod na taon, muling mangungutang ang administrasyong Duterte ng P1.19 trillion para tustusan ang kanilang Build, Build, Build program. Lalong malabong iutos ng Pangulo na suspedehin muna ang mga panibagong buwis sa na itinatakda ng TRAIN Law.

Walang ibang pagkukunan para mabayaran ang mga utang na ito kundi sa buwis. Kaya naman kahit nagmamakaawa na ang mga tao para suspendehin ang batas na ito ay sarado ang tenga ng Malacanang. Pilit na pinagtatakpan ito ng ibang isyu para makalimutan ng mga tao ang kanilang hirap na kalagayan.

Nakakatakot lang na imbes na suspendihin ang TRAIN Law ay patuloy pa ring pahihirapan ang ating mga kababayan ng patong-patong na buwis para matuloy lang ang Build, Build, Build program ng administrasyon – programang hanggang ngayon ay hindi pa ramdam ng ating mga kababayan.

Sa galaw ng mga ekonomiya ngayon, mukhang mas lalala pa ang sagasa ng TRAIN. Sana naman ay may natitira pang awa sa mga mahihirap nating kababayan ang administrasyong ito. Nananawagan tayo na ikonsidera naman sana ang pagsuspende ng mga pahirap na probisyon ng TRAIN. Gayundin, dapat ay kalampagin ang gobyerno na makapagbigay tulong na sa mga apektadong pamilya. Bawat araw ay nagiging hamon sa ating mga kababayan na makaraos sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?