677

Dec 21, 2017 @ 10:42

TRAIN law, anti-poor – CBCP

Naniniwala ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na dagok sa mga mahihirap na Filipino ang tuluyang pagsasabatas ng tax reform program.

Sinabi ni CBCP Episcopal Commission on the Laity Chairman at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na pinakamabigat na kalbaryo sa mga mahihirap ang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN).

Sinabi ni Bishop Pabillo, bagama’t hindi na bubuwisan pa ang mga manggagawa na kumikita ng P250,000 pababa kada taon, ay labis namang mapeperhuwisyo ang mga dukha at yaong mga nasa laylayan dahil sa pagpataas ng mga pangunahing produkto na kanilang kinikonsumo.

“Ang tax reform program, maraming sumisigaw diyan, iyan ay against the poor kasi tataasan nila ang mga VAT na taxes para sa lahat. Kahit sinabi nila na tatanggalin ang income tax sa mga bracket ng minumum wage, ilan lang ang madadamay doon pero kapag nataasan ang gastos ng lahat, lahat ay madadamay, kapag ita-tax natin sa gasolina, tatamaan ang lahat diyan,” ayon kay Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.

Pingangambahan umano ng CBCP ang epekto sa mga maralita ng reporma sa buwis matapos ihayag ng Palasyo na pagkakalooban ng pamahalaan ng P200 kada buwan simula Enero sa susunod taon ang may nasa 10,000,000 mahihirap na pamilyang Filipino habang P300 at P400 naman ang matatanggap na cash transfer ng mga ito sa 2019 at 2020.

Iginiit ng CBCP na sa halip na taasan ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng tao, sinabi ni Bishop Pabillo na mas nararapat na patungan ng buwis ang mga produktong nakakapaghatid ng panganib at masamang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan tulad ng alak at sigarilyo.

Nabatid na epektibo ang TRAIN Law sa Enero 1, 2018. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?