129

Jul 25, 2018 @ 14:15
By

TRAIN 2 ni Duterte ididiskaril ng mga senador – Sotto

Malamang na hindi umusad sa Senado ang ikalawang yugto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN 2) kahit hiniling ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mayorya ng mga senador ang hindi interesado sa TRAIN 2 dahil hindi natupad ang mga pangako at kalkulasyon ng mga economic manager kaugnay ng TRAIN 1.

“Napaso kami sa TRAIN 1 eh. Hindi kami komportable sa naririnig namin na sabi nila walang inflation, pero meron, may inflation,” sabi ni Sotto sa panayam ng dzbb.

Sa TRAIN 1, tinaasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo at iba pang produkto at serbisyo, kasabay ng pagpapababa ng income tax ng mga manggagawa.

Kinondena na ng mga senador ang economic manager ng Malacañang nu’ng pumalo sa 5.3 porsiyento ang inflation rate nitong nagdaang Hunyo.

Ikinagalit din ng ilang senador ang atrasadong financial assistance para sa 10 milyong mahihirap na pamilya at sa mga jeepney operator at driver na apektado ng TRAIN 1.

“Hindi maiiwasan na mag-init ng ulo ng members ng committee of ways and means dahil iyon ang sinasabi nila,” dagdag ni Sotto.

Sa TRAIN 2, ibababa ang buwis ng mga korporasyon pero tatanggalan ng mga tax incentive.

Pinangangambahan naman na magtataboy ito sa mga negosyante.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?