191

Oct 18, 2017 @ 18:00

Traffic scheme sa Cainta, ipapatupad sa Metro Manila

Nagpahiwatig na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na posibleng ipatupad din sa ibang kalsada sa Metro Manila ang sinimulang bagong traffic scheme sa Cainta, Rizal.

Ayon kay Vic Felizardo, operations chief ng MMDA Metro Base, kung mapapaluwag ang traffic sa Marcos Highway ay baka isunod nila ang ilang lugar.

Sa bagong traffic scheme, ipinagbawal na sa mga public utility vehicles (PUVs) na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa harapan ng Robinsons Metro East at Sta. Lucia East Grand Mall.

Ang mga PUVs ay kailangan pumasok sa parking lot ng Robinsons para magsakay at magbaba ng mga pasahero.

Sinabi ni Felizardo na inulan sila ng mga reklamo mula sa mga motorista na bumigat ng husto ang trapiko sa lugar nang simulan ang paggawa sa LRT2 East extension project.

Pinuna na nakakadagdag din sa mabagal na pag-usad ng mga sasakyan ang mga pasahero na nag-aabang ng masasakyan sa gitna ng Marcos Highway.

Nagbabala si Felizardo na mahigpit nilang ipapatupad ang bagong plano at huhulihin ang mga lalabag dito. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?