292

Nov 8, 2017 @ 18:22

Traffic enforcer, kritikal sa sinitang rider

Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang isang local traffic enforcer matapos na barilin sa dibdib ng isa sa dalawang lalaking lulan ng isang motorsiklo na kanyang sinita dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa Navotas City kahapon ng umaga.

Sa ulat nina SPO1 Allan Joey Ogatia III at PO2 Eugene Labayan, ng Navotas City Police Homicide Unit, ganap umanong alas-7:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Virgo Drive sa H. Lopez St., Barangay North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng clearing operation sa nasabing lugar ang mga tauhan ng Navotas City Traffic and Parking Management Office kung saan kabilang ang biktimang si Alvin Garcia, 43-anyos, na isang traffic enforcer at residente ng J. Monroy St., Navotas West, kasama ang isa pang enforcer na si Norberto Villanueva, 31, nang mamataan ang mga suspek na sakay ng Enduro motorcycle at pawang mga walang helmet.

Agad nila itong pinara at hinanapan ng driver’s license ang nagmamaneho ngunit maging registration certificate ay walang maiprisinta ang mga ito.

Akma nang titiketan ni Garcia ang dalawa ngunit bigla na lamang na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan sa kaliwang dibdib ang una.

Pinaputukan din ng mga ito si Villanueva ngunit agad na nakatakbo at hindi tinamaan.

Kinondena naman ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang nangyari at sinabing ginagawa lamang umano ni Garcia ang kanyang tungkulin ngunit ito pa umano ang sinapit nito kung saan agad din niyang ipinag-utos sa pulisya ang agarang pagkakahuli sa mga salarin.

Samantala, sasagutin umano ng lokal na pamahalaang lungsod ang lahat ng medical expenses ng biktima. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?