31

By

Track record, kakayanan ni DAR Sec. Castriciones kinuwestiyon

Sharing is caring!

Kinuwestiyon ng mga senador at kongresita ang track record at kakayahan ni Agrarian Reform Secretary John Rualo Castriciones sa unang beses nitong pagsalang sa confirmation hearing ng Commission on Appointments (CA).

Dahil dito, hindi pa siya lumusot sa CA at kailangan nitong bumalik susunod na linggo.

Sa pagdinig, sinabi ni Senador Grace Poe, chairman ng CA agrarian reform committee, nakatanggap siya ng 13 endorsements para kay Castriciones pero maraming isyu laban dito gaya ng kakulangan nito ng karanasan sa land reform, pagkakasangkot sa isang fatal hazing at sa money-making scheme.

Kumontra naman sa kumpirmasyon ng ad interim appointment nito si Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin na nagsabi na kapos si Castriciones sa kakayahan, special training at track record para mamuno sa isang ahensya na inaatasan ng Konstitusyon na tumulong sa mga magsasaka.

May natanggap din umanong mga reklamo si Villarin mula sa mga magsasaka na dumulog at nagpapatulong sa DAR pero wala umanong aksyon si Castriciones.

Iginiit naman ni Castriciones na sapat ang kaniyang legal background bilang abogado at makakatulong umano sa pagresolba sa 14,000 kasong hawak ng DAR.

Sa pagtatanong naman ni Senador Ping Lacson, inamin ni Castriciones na humawak siya ng kaso ng mga land owner at farmer beneficiaries.

Ipinasusumite sa kaniya ang listahan ng mga hinawakang kaso.

Samantala, kinumpirma naman ng CA ang pagtatalaga kay Commission on Audit commissioner Roland Pondoc.

Nakumpirma na rin ang promosyon tungong vice admiral ni Navy Flag Officer in Command Robert Empedrad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?