3

Jul 30, 2020 @ 13:19
By

Tracing czar Magalong: COVID 2nd wave sa Baguio City

Dumaranas ngayon ng second wave ng COVID-19 pandemic ang Baguio City dahil sa pagdami ng bilang ng mga nagpositibo sa naturang sakit nitong mga nakaraang araw, ayon kay Mayor Benjamin Magalong.

“We have to be very transparent, tinatamaan kami ng 2nd wave ngayon dahil ito nga lang Sunday, 15. In two days, Saturday, Sunday tinamaan kami ng 14 to 15 na kaso,” ani Magalong.

Ayon kay Magalong, 15 ng mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 nitong mga nakaraang araw ay mga empleyado ng bangko.

Sinabi ni Magalong na nakita na nila ang posibleng pagtaas ng bilang ng mga kaso may tatlong linggo na ang nakalipas kung kaya’t agad silang nagsagawa ng expanded testing.

“Last month, mayroon kaming programa na 10 percent per sector, naging OK po yon, maganda yong resulta. Inulit namin, different sector naman pero iba-ibang sub-sector naman, granular ginawa namin. Dito namin nakita talaga `yong 14 to 15,” sabi ng alkalde.

Aniya, bumababa na ito sa ngayon ng mga tatlong kaso kada araw.
Dagdag pa ni Magalong na ang mga kaso ng COVID-19 ay kombinasyon na umano ng pagkahawa mula sa mga stranded na tao, nagbalik na mga overseas Filipino worker (OFE), at community transmission.

Ayon kay Magalong, isa rin sa problema nila ngayon ay ang mga dealer ng gulay at isda na labas-masok sa Baguio City na posibleng makapagdala ng COVID-19.

Sa ngayon, ayon sa City Health Department, may 102 kaso ng COVID-19 sa Baguio.

“Dalawa pa lang po ang death namin. In fact, isa lang po kasi `yong isa namatay talaga sa stroke kasi drug user at very low ang kaniyang viral load,” ani Magalong.

Si Magalong ay kabilang sa apat na opisyal ng gobyerno na itinalaga ng Malacañang para pamunuan ang pagpapatupad ng mga istratehiya para labanan ang COVID-19 pandemic sa bansa.

Itinalaga siya para pamunuan ang pagsasagawa ng contact tracing dahil sa ginawa niya sa Baguio City para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?