159
mr-trabaho-joel-villanueva
Dec 10, 2017 @ 13:45

Trabahong Marino

Alam natin ang pakikipagsapalaran ng mga Pinoy seafarers upang mabigyan ang kanilang pamilya ng magandang buhay dito sa Pilipinas.

Hindi po madali ang trabaho nila dahil sadyang malapit sa peligro ang trabahong marino. Bukod sa hirap ng kondisyon ng kanilang trabaho at ilang buwang pamamalagi sa gitna ng karagatan, marami pa sa kanila ang naaabuso.

Dapat protektahan ng estado ang karapatan ng mga Pinoy seafarer. Kung tutuusin, ang mga kababayan nating mandaragat ang isa sa pinakamahalagang kayamanan ng ating bayan. Ang remittances nila ang bumubuhay sa ekonomiya ng ating bansa.

Isipin n’yo po, tatlumpong porsiyento ng mga mandaragat sa buong mundo ay Pilipino. Hindi mahirap isipin na kung titigil sa paggawa ang lahat ng mga Pinoy seafarers, babagsak ang komersyo at kalakalan ng mundo.

Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit isinusulong natin kasama sina Senador Angara, Legarda at Ejercito ang Senate Bill No. 314 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers.

Dapat may garantiyang makuha ng Pinoy seafarers ang tamang pasahod, mga benepisyo at karapatang makapag-organisa.

Ang Magna Carta of Filipino Seafarers ay laban sa diskriminasyon, pang-aabuso at pang-aalipin sa ating mga marino.

Magiging daan din ang panukalang batas para mabigyan ng angkop na pagsasanay ang ating mga mandaragat. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman, bukod pa sa taglay na nilang skills, ang pinakamabisang armas laban sa pang-aabuso.

Noon, tiniyak natin sa TESDA na mabigyan ng world-class training ang ating mga seafarer kasama ang mga nagtatrabaho sa mga cruise ship. Si Ethel Mae Sequito, plain housewife, ay kumuha ng Cookery NC II at nakapagtrabaho sa isang International Cruise Ship Company sa bansang Jamaica na nasa sentro ng Caribbean. Isa po siya sa mga magpapatunay na kung may sapat na kaalaman, tamang training, at may skills ang isang seafarer, makakaiwas siya sa pang-aabuso at iba pang problema sa barko.

Maraming mga Pinoy seafarer ang hindi makakasama ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong kapaskuhan. Isang magandang regalo para sa kanila ang Senate Bill 314 upang masuklian ang kanilang mga sakripisyo para sa pamilya, sa bansa, at sa buong mundo.

Job Fair Schedule

Ilocos Sur Mega Jobs Fair
Provincial Capitol Building, Vigan City, Ilocos Sur
December 15

LGU Dagupan Mega Jobs Fair
CSI The City Mall, Lucao District, Dagupan City, Pangasinan
December 16

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?