45

Jun 29, 2019 @ 17:59
By

Toroman tutulong sa Mighty Sports

Minsan pang ipinakita ni Serbian coach Rajko Toroman ang kanyang pagmamahal sa Philippine basketball matapos pangunahan ang pagpapalakas sa Jones Cup-bound Mighty Sports sa pansamantalang pagkawala ni head coach Charles Tiu.

Pinaunlakan ng pinakaunang humawak sa Gilas Pilipinas ang imbitasyon ng kanyang dating protégé para maging team consultant bagaman ito ang tititngin sa paghahanda ng koponan pansamantala hanggang sa tuluyang makabalik si Tiu sa responsibilidad nito sa pambansang koponan.

Si Tiu, na kasalukuyang nagsisilbi bilang isa sa mga assistant coach ng Gilas Youth na sasabak Lunes ng madaling araw sa FIBA U-19 World Cup sa Greece, ay unang nakasama ni Toroman sa kanyang paghawak sa Gilas simula noong 2009 hanggang 2011.

“Coach Charles knows coach Rajko so well so there’s no problem with it. The team is in good hands with coach Rajko at the helm and Charles knows it too,” sabi ni Mighty Sports owner Alex Wongchuking.

Ikinatuwa naman ng miyembro ng koponan, ayon kay Wongchuking, ang pagtuturo sa kanila ni Toroman habang naghahanda sila sa isang importanteng misyon na bawiin ang titulo na napanalunan ng Mighty Sports sa una nitong pagsali sa torneo tatlong taon na ang nakalipas.

Matatandaan na ang sports apparel at accessory team ang nagrepresenta sa bansa noong 2016 edisyon at iniuwi ang titulo sa pagtatala ng walong larong sweep.

Pangungunahan nina dating PBA imports Renaldo Balkman, Eugene Phelps at Zach Graham ang koponan kasama ang ex-NBA na 7-foot center na si Hamadi N’Diaye.

Lalaro din para sa koponan sina dating PBA star Joseph Yeo, Angelo Wongchuking, ex-Ateneo player Aaron Black, Gab Banal at Fil-Am Michael Williams, Jason Brickman, Roosevelt Adams at Jeremiah Gray.

Si Brickman at Graham ang naiwan sa 2016 champion team habang sina Adams at Gray ay hinahangaan sa kanila na paglalaro sa Mighty Sports sa Dubai Invitational tournament nakaraang Pebrero.

Pinangunahan ni Ginebra resident import Justin Brownlee at dating NBA star Lamar Odom, tumapos lamang na ikatlo ang Mighty Sports sa matinding Dubai tournament.

Kilala naman si Toroman sa pagtulak nito sa Iran para makatuntong sa 2008 Beijing Olympics.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?