237

Oct 25, 2017 @ 11:53

Top lotto agent, kikilalanin ng PCSO

Kikilalanin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga natatanging top lotto agent at mga empleyado nito bilang paggunita sa pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensya na may temang PCSO: On the Rise.

Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, dahil sa paglaki at mas pinalawak pa ang mga serbisyong kawanggawa ay tiyak na maraming Pilipino ang matutulungan ng ahensya.

“Ang PCSO ay on the rise dahil ang kita ay lumalaki, kaya namin nadagdagan ang alokasyon para sa aming Individual Medical Assistance Program (IMAP) na kung saan ay ang pondo na ginagamit ng aming mga sangay para sa kapakinabangan ng ating mga kababayan,” paliwanag ni Balutan.

Pahayag pa niya, dinagdagan din ng ahensya ang mga helpdesk na tinatawag na “At-Source-ang-Processing” (ASAP), na mga desks sa 46 partnered-hospitals sa bansa upang mapabilis ang tulong medikal na ibinibigay ng ahensya sa mga pasyente.

“Patuloy kaming gumagawa ng mga paraan upang mas mapabuti pa ang aming kita at mga serbisyo para mas higit pa na makatulong sa ating mga kababayan,” ayon pa kay PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz.

Ayon kay Corpuz, siya at iba pang mga opisyal ng PCSO ay nakatakdang mag-ulat ng mga nagawa ng ahensya sa nakalipas na taon sa darating na pagdiriwang ng anibersaryo nito sa ika-26 ng Oktubre.

Magsisimula ang pagdiriwang sa pagbibigay ng mensahe para sa anibersaryo mula sa mga pinuno ng PCSO at susundan ng serye ng mga pagtatanghal. Kabilang dito ang pagkilala ngayong taon sa mga natatanging empleyado para sa Top Employee Award, kasama na ang Top Performing Individual Lotto Agent Award, Top Performing Corporate Lotto Agent Award, at Top Performing STL Authorized Agent Corporation Award.

“Magkakaroon din ng mga testimonya mula sa mga benepisyaryo ng mga serbisyong medikal ng PCSO,” dagdag pa ni Balutan. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?