477

Oct 19, 2017 @ 16:29

Toni G. hanga sa asawang si direk Paul

Bilib si Toni Gonzaga sa kanyang mister na si direk Paul Soriano sa pagiging ama nito sa kanilang nag-iisang anak na si Seve.

Idinaan ni Toni ang mensahe niya ng pasasalamat at pagmamahal sa nasabing asawa sa kanyang Instagram account.

Makikita sa post ni Toni ang larawan ni direk Paul na nakaupo sa eroplano habang kalong-kalong ang anak.

Ang post na ito ni Toni ay para sa kaarawan ng direktor.

@celestinegonzaga, “Happiest birthday @paulsoriano1017! You have my heart and my DNA always.”

Bumati rin sa comment nito ang ina ni Toni na si Mommy Pinty na punung-puno ng pagtanggap at pagmamahal sa manugang.

Tinawag pa niyang anak na lalake si direk Paul.

@mommypinty, “Happiest birthday son. You have our hearts too! Love You!”

Hindi dapat pagtakhan kung bakit super love ni Toni ang mister niya, hindi dahil sa asawa niya ito kundi dahil sa pag-aalaga nito sa kanilang anak at pag-alalay din sa kanya ni direk sa mga pamamasyal nila sa Italy.

Madalas na si direk Paul ang kumakarga sa bata sa paglalamyerda nila. Mabigat at malikot na kasi si Seve.

Payat si Toni at mas kaya ng muscle ni direk Paul na kargahin si Seve sa kahit saan sila magpunta.

Rocco at Lovi, nag-iwasan sa b-day ng direktor?

Mistulang nag-‘taguan-pung’ ang dating magkasintahang sina Rocco Nacino at Lovi Poe sa nakaraang birthday ng TV & film director na si Maryo J. De Los Reyes na ginanap noong Martes ng gabi sa Pepeton’s Bar & Grill sa QC.

Nasa iisang party lang ang dalawa at maliit lang naman ang venue pero hindi halos nagtagpo ang kapwa Kapuso artists.

Si Lovi ay nasa may entertainment area samantalang si Rocco ay nasa aircon room kung saan naroon ang buffet table at iba pang mga celebrity guests, friends at mga alaga ni direk Maryo.

Hindi lang namin alam kung sadyang nag-iwasan ang dalawa o nagkataon lang na hindi talaga sila magkita nang mata sa mata.

Nang tanungin namin si Rocco kung nagkita na sila ni Lovi, sagot nito ay hindi pa.  Ilang beses na raw niyang hinahanap ang aktres pero hindi niya ito matsempuhan sa mga pinupuntahang lugar.

Eh, nakikanta na nga si Lovi sa banda. Nakipagtsikahan pa sa ibang mga kakilalang artists, parang imposible namang hindi ito makikita.

Kung sabagay, akala rin namin ay umalis na si Lovi sa party matapos itong maki-jamming sa banda.

May iba pa kasing lugar sa bar na puwedeng puntahan ng aktres para batiin ang iba pang kakilala nito, kaya siguro hindi sila magkita-kita ng nasabing ex-bf niya.

Tinanong namin si Rocco kung first time nilang magkikita ni Lovi. Sumagot ito ng, “Hindi, maraming beses na.”

Nang pumasok naman si Lovi sa aircon room, nakipagtsikahan agad ito sa direktor ng controversial movie nila ni Erich Gonzales, ang “Significant Other”, na si Joel Lamangan.

Ito ‘yung nabalitang totohanang sampalan at sakitan ng dalawang aktres sa shooting ng kanilang movie.

Nakatayo lang si Lovi habang nakikipagkuwentuhan kay direk Lamangan habang hawak nito ang wine glass.

Sa ganda ni Lovi at sa maraming nagpapa-photo opt sa kanya, imposibleng hindi siya napansin ni Rocco.

So, para magkita na sila, pinuntahan ko si Rocco sa grupo ng mga taga-GMA executives na pinamumunuan ng VP for Entertainment na si Ms. Lilybeth Rasonable.

Binulungan namin si Rocco na nandoon na si Lovi kaya puwede na niya itong batiin.

Sumagot ang aktor, “Oh, yeah.” At saka itinuloy ang pakikipagtsikahan sa kanyang mga big boss na parang walang narinig.

Ganito rin ang sinabi namin kay Lovi at halos parehas din sila ng sagot ni Rocco, “Oh, really?” saka nakipagtsikahan sa amin.

Ang dating tuloy parang malamig pa rin at hindi sila interesado sa isa’t isa na magkita at magbatian pa.

Well, umalis na kami kaya hindi na namin nasubaybayan kung nagbatian pa ang dalawa o lumabas uli ang aktres.

‘Pag lumapit kasi si Lovi sa grupo ng mga taga-GMA, wala silang choice ni Rocco kundi ang magbatian.

Anyways, happy birthday direk Maryo J. De Los Reyes!

Ilan sa mga sidelights ng party ay ang pagdating din ng Kapamilya entertainment big boss na si Ms. Cory Vidanes. For sure nagbeso-beso sina Cory at Lilybeth na itinuturing na influential sa TV network industry.

Nagkainuman sina Joel Torre at Zanjoe Marudo nang magsama sila sa iisang table.  Hindi puwedeng hindi tumanaw ng utang na loob si Iza Calzado sa GMA 7. Lumapit ito at nakipagtsikahan kina Ms. Rasonable.

Dumating din si Katrina Halili na puwesto lang sa isang gilid kasama ang kanyang kaibigan. Tila ayaw nang makaagaw pa ng atensyon ng aktres kaya pinili nitong manahimik na lang sa isang lugar.

Benjamin Alves, deadma sa
nagsasabing ‘di sila bagay ni Julie Anne

Deadma si Benjamin Alves sa mga nagsasabi sa kanyang hindi sila bagay ng girlfriend niya ngayong si Julie Anne San Jose.

Si Julie Anne ang binansagang Kapuso singing sweetheart at itinuturing na big star ng istasyon, at si Benjamin naman ay sexy-hunk actor na naging leading man na rin sa ilang mga teleserye.

Ilang mga fans sa social media ang nanlalait kay Benjamin dahil sa magkaibang image o packaging ng dalawa.

Mas bagay daw si Julie Anne sa isang matinee idol at wholesome actor kaysa kay Benjamin.

Ang reaksyon ni Benjamin, wala raw siyang pakialam o hindi importante sa kanya ang sinasabi ng ilan laban sa kanya. Ang mahalaga ay nagkakaintindihan sila ni Julie Anne at masaya sila sa kanilang relasyon.

Sa paniniwala ni Benjamin, may mga bashing messages din na natatanggap si Julie Anne na nagsasabing hindi sila bagay na dalawa.

Hinahayaan na lang daw ni Benjamin ang mga bashers niya. Hindi raw niya binibigyan ng importansya ang mga ito.

Pagdating naman sa usaping seryosohan, bagama’t wala pa sa isip ni Benjamin na alukan ng kasal o engagement si Julie Anne, nakikita niyang for long term na ang pagmamahalan nila ng aktres.

Samantala, isa si Benjamin sa casts ng “Spirit of the Glass 2, The Haunted”.  Isang suspense-drama-horror film na pinagbibidahan din nina Daniel Matsunaga, Terry Malvar, Cristine Reyes, Janine Gutierrez at iba pa. Sa direksyon ito ni Joey Reyes.

Anak ni Gretchen Barretto, seksing-seksi sa IG

Sumusunod na rin sa yapak ng ina niyang si Gretchen Barretto ang nag-iisang anak na si Dominique Cojuangco.

Unti-unting nagpapa-sexy na rin ang socialite lady sa mga shot niya sa bakasyon nila ng kanyang mga kaibigan sa Siargao.

Nagpasilip si Dominique ng kanyang kaseksihan sa Instagram nito habang nakaupo siya sa isang outdoor bed.

Nakasuot ng puting bathrobe si Dominique at nakalaylay ang isang sleeve nito, dahilan para malantad ang isang side ng kanyang boobs na natatakpan ng red and white upper string bikini bra.

@dominique, “Ulu-wat-is-real-life.”

Isang gifted-girl si Dominique sa pagkakalantad ng cleavage niya. Namana niya ang laki ng boobs niya sa kanyang mga tiyahing sina Claudine at Marjorie Barretto.

Hindi nakuha ni Dominique ang dibdib ng ina niya na tamang-tama lang ang laki. Pero walang dudang namana niya ang alindog ng kanyang Mommy Gretchen.

May isang nag-comment sa photo na dini-dare si Dominique na ilabas ang kanyang kaseksihan.

@raleene, “YAS show them assets gurl.”

Kung mag-aartista si Dominique papasa ang kaseksihan nito. ‘Yun nga lang, pangarap nito ang maging isang international fashion designer kaya ito nag-aral ng fashion design sa London at doon din ito namamalagi.

Bumalik lang ang dalaga sa ‘Pinas para makasama ang kanyang parents at makapagbakasyon na rin.

Herbert, gusto pa ring gawing City of Stars ang QC

Nagpaliwanag si QC Mayor Herbert Bautista sa kakulangan ng detalye o impormasyon hinggil sa proyekto nito sa mas ikauunlad pa ng entertainment sa buong siyudad.

Noong Lunes, idineliver ni Mayor Bistek sa kanyang ikalawang State of the City Address sa harap ng kanyang mga barangay chairmen at councilors, ang projected programs niya sa buong QC sa mga susunod pang mga buwan.

Inisa-isa rin niya ang mga natupad nang mga proyekto at programa sa ilalim ng kanyang pamunuan mula 2015 hanggang 2016.

Impressive ang achievements ni Mayor Bistek, pati na ang mga inilalatag nitong proyekto para sa kapakanan ng mga constituents niya at sa ikauunlad pa ng QC.

Hindi nga lang masyadong nabigyan ng atensyon ang entertainment sa kanyang speech, na ayon sa kanya ay maaaring hindi raw nag-submit ang Culture and Arts ng proposed projects nito.

Sey ni Mayor Bistek, may portion ang bawat departamento ng programa at proyekto sa kanyang talumpati.

Pero hindi man nabigyan ng diin ang tungkol sa entertainment, tuloy pa rin daw ang mayor sa paglalagay ng parang Hollywood sa may Timog.

Magpapagawa rin daw siya ng convention center kung saan puwede itong gawing venue para sa mga concert at mga shows sa mas maliit na capacity.

Magpapatayo rin ng basketball court na may capacity na 1K na pwede ang iba’t ibang indoor tournaments gaya ng UAAP at NCAA.

Gusto raw talagang gawing City of Stars ni Mayor Herbert ang QC lalo’t halos lahat ng mga artista ay dito nakatira. Narito rin ang dalawang major TV networks na GMA 7 at ABS-CBN 2.

Sa dami ng mga ninanais na proyekto ni Mayor Bistek, malabo pang maging active itong muli sa showbiz.

Ipinagmamalaki pa ng alkalde na pumuwesto na bilang No. 1 highly urbanized city ang QC. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?