9

Mar 16, 2021 @ 12:42

‘Tongpats’ sa pork import babalatan

Nakatakdang imbestigahan ng Senate Committee of the Whole ang diumano’y “tongpats” scheme sa importasyon ng karne ng baboy kung saan umaabot sa halos P6 bilyon ang kickback kada taon kung maaprubahan ang panukalang bawasan ang taripa at dagdagan ang importation allocation para rito.

“Sa araw na ito, magpa-file kami ng resolution, nag-usap na kami ni Senate President [Vicente] Sotto para magkaroon ng imbestigasyon sa Senado,” pahayag ni Senador Panfilo Lacson sa panayam sa Teleradyo.

“Sa pamamaraan lang na ‘yon, makakakuha kami ng mga dokumentong kailangan namin. Matagal nang nangyayari ito e. Lagi na lang tayong niloloko e,” dagdag pa nito.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto, pangungunahan ang Committee of the Whole ang imbestigasyon sa sinasabing alegasyon hinggil sa sinabing patong o tongpats scheme sa importasyon ng pork,

“The complaints encompass many issues not just confined to one or two (committees). Nevertheless, let’s see where the majority decides to refer,” ani Sotto.

Sabi ni Lacson, kailangang masiyasat ang “tongpats” system sa Department of Agriculture para makalikom ng Senado na sapat ng dokumento at datos at para matukoy ang pinaugat ng naturang iskema sa pag-angkat ng produkto ng karne.

“Kino-compile namin, kino-consolidate, pero still, kailangang malaman natin kung ano talaga yung mga datos na kinakailangan to get to the bottom of this anomaly,” sabi ni Lacson.

Sakop din ng imbestigasyon ang hindi tamang pagdeklara ng pork products na inaangkat sa ibang bansa.

“Yung mga giniling, mas mura ang taripa nun e, so itong mga baboy na hindi giniling, dinedeclare na giniling or kaya liver, e mas mababa ang taripa doon,” ani Lacson.

Halimbawa dito ang export record ng pork products sa China at kumpara sa iba pang import record na katulad ding produkto na ipinapasok sa Pilipinas.

“Halimbawa, sinabi ng Tsina, isang tonelada yung binenta namin sa Pilipinas sa buwan na ‘to. Ang na-record naman natin dito sa atin, sa halip na isang tonelada, 100 kilo lang, e ‘di misdeclared or under declared yung 900 kilograms,” ayon pa kay Lacson

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?