16

By

Tong-itan sa loob ng bahay ni-raid, 6 sugarol nasakote

Arestado ang anim na sugarol matapos pasukin ng pulis ang kanilang pinagtataguang bahay tong-itan sa ikinasang Oplan Bulabog/Galugad Operation, Martes sa Pasig City.

Batay sa ulat ng Eastern Police District, nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o “Illegal Gambling Act” ang mga suspek na sina Bosenel Layson, Rogelie Cobrador, Tita Albemos, Leonila Punay, Anita Dabalos, at Emma Patron, pawang mga residente ng nasabing lungsod.

Nagsagawa umano ng Oplan Bulabog/Galugad Operation ang mga tauhan ng Pasig Police sa Barangay Pinagbuhatan, bandang 6:33 ng gabi matapos makatanggap ng tip na may nagaganap na pasugalan sa loob ng bahay.

Agad na rumesponde ang pulisya at pinasok ang nasabing bahay, kung saan dinampot ang anim na mga manlalaro ng tong-its.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang deck ng baraha at P845 betting money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?