53

By

Tone-toneladang basura, ibinalik na sa South Korea

Naibiyahe na pabalik ng South Korea ang 51 container ng mga basura na ipinuslit sa Misamis Oriental noong 2018.

Ang basura na itinambak ng ilang buwan sa Mindanao International Container Terminal (MICT) ay kinabibilangan ng mga plastic at waste material na idineklara bilang plastic synthetic flakes.

Kinumpirma ito ng EcoWaste Coalition na sumaksi sa send-off ceremony na isinagawa kahapon kaugnay ng pag-alis ng barko na magbibiyahe ng basura pabalik ng South Korea.

“Our resolute stance to get the garbage returned to its sender shows how much we, the Filipino people, want our fragile ecosystems to be protected against the adverse effects of waste trafficking, which is a serious threat to our people’s lives, their health, and the environment,” saad ni Aileen Lucero, national coordinator ng EcoWaste Coalition.

Giit ni Lucero, maituturing na tagumpay para sa kalikasan at pag-iral ng katarungan at batas ang pagbabalik ng basura sa Pyeongtaek City sa South Korea.

Ang nasabing kargamento ay naka-consign sa Verde Soco Philippines.

Bagama’t wala na sa Pilipinas ang tone-toneladang basura, isinusulong pa rin ng gobyerno na papanagutin ang mga nasa likod ng pagpuslit sa nasabing kargamento dahil ito ay labag sa umiiral na environmental laws sa bansa at sa Customs Modernization and Tariff Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?