Eleazar
By

Tomador na mga pulis, binalaan ni Eleazar

Sharing is caring!

Binalaan ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na mahilig uminom ng alak na kapag nalalasing ay nagwawala at nagpapaputok ng baril sa kanilang lugar.

Ang babala ni Eleazar ay bilang aksiyon sa ginawang pag-aamok at pagpapaputok ng baril ni PO1 Marcos Guillermo Laggui, 37-anyos, binata, residente ng Lot 4, Apitong St., Aguho Kaliwa, Brgy. Claro, Quezon City, at nakatalaga sa PCP 5 ng Caloocan Police.

Binigyang-diin ni Eleazar na kapag may nagsumbong o nahuli sa kanyang mga tauhan na lasing at nagwawala, hindi niya ito patatawarin at agad na sisibakin sa tungkulin.

“Hindi naman natin maiaalis na iinom sila, pero ‘pag iinom sila ‘yung kaya lang nila at kaya nilang dalhin ang sarili nila, kahit pa naka-sibilyan sila,” giit ng QCPD director.

Si Laggui ay inaresto ng mga tauhan ng QCPD matapos na malasing at walang habas na nagpaputok ng baril sa kanilang lugar, dahilan upang matakot ang kaniyang mga kapitbahay na agad nag-report sa pulisya.

Kasamang nakapiit ngayon ni PO1 Laggui sa QCPD Anonas Police Station 9, ang kaniyang kapatid na security guard na nakilalang si Julian Guillermo Laggui, 30-anyos, binata; at pinsang si Daniel Saqing Guillermo, 28-anyos, binata, technician, kapwa naninirahan din sa nasabing lugar.

Sa report ng tanod na nakilalang si Ruben Cabacungan Soariano, dakong alas-3:20 ng hapon sa harap ng No. 47 Aguho St., Project 3, Brgy. Claro, QC., ay nagulantang ang mga residente dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril ng nasabing pulis, kasama ang nagwawalang kapatid at pinsan.

Agad umanong nagresponde si Soriano subalit nang awatin umano niya ang nasabing pulis, kapatid at pinsan nito sa pag-aamok, ay binalewala lamang umano siya ng mga ito at nagpatuloy sa paghahasik ng tensiyon sa kanilang barangay.

Dahil dito ay humingi na ng saklolo ang tanod sa pulisya at inaresto ang pulis, kapatid at pinsan nito. Sila ay kinasuhan ng indiscriminate firing at alarm and scandal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?