22

By

Toll fee hike sa NLEX, kinuwestiyon ni Villanueva

Sharing is caring!

Pinuna ni Senador Joel Villanueva ang legalidad ng pagtataas ng toll fee sa North Luzon Expressway.

Sa kaniyang impormasyon, hindi ito dumaan sa mga pagdinig-publiko at kapos din ang information campaign ng Toll Regulatory Board (TRB).

Bukod dito, masyado na umanong malaki ang kita ng Manila North Tollways Corp. (MNTC) na nagpagawa ng NLEX at kumukolekta ng toll fee.

Ikinatuwiran ng MNTC sa pagtataas ng singil na kailangan nilang mabawi ang P2.9 bilyon nilang ginastos sa konstruksyon ng higit 50-kilometrong lansangan mula sa Sta. Rita hanggang San Fernando, Pampanga.

Pero ayon kay Villanueva, hindi kailangang maghabol ng kita ng MNTC para makabawi dahil napakalaki na ng kinikita nito.

Tinukoy ang annual report ng MNTC kung saan nakasaad na nakalikom ito ng P7.6 bilyon noong 2014 at umakyat ito sa P10.7 bilyon noong 2016, katumbas ng 37% na pagtaas ng kita.

“These figures make it quite absurd to claim that the MNTC is not able to recoup its investments,” ayon kay Villanueva.

Umpisa nung Nobyembre 6, tumaas ng P0.25 ang bayad para sa bawat kilometro ng NLEX.

Dahil dito, nadagdagn ng P18 ang binabayaran ng mga Class 1 vehicles o mga ordinaryong kotse na dumadaan buhat sa EDSA Balintawak o sa Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.

Nagtaaas naman ng P46 ang binabayaran ng mga Class 2 vehicles o mga bus at maliit na trak habang P56 ang naging dagdag sa bayad ng mga Class 3 o malalaking trak at trailer.

Sabi pa Villanueva, malaking dagok ito sa mga motorista at tiyak ding may epekto sa publiko dahil nagdagdag ito sa gastusin sa pagluluwas ng mga produkto kaya naman maaring magresulta sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?