238
Tolentino: Walang masamang epekto ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC
Mar 19, 2019 @ 15:36
By

Tolentino: Walang masamang epekto ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC

Iginiit ni administration senatorial bet Francis Tolentino na walang masamang implikasyon ang tuluyan nang pagkalas ng bansa mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam sa lungsod ng Tacloban, ipinaliwanag ni Tolentino tama lang ang desisyon ng administrasyong Duterte na tuluyan nang lisanin ang nasabing hukuman dahil ginagamit lamang ito ng ilang kalaban ng pamahalaan lalo na ang mga nasa oposisyon.

“Tama po ‘yung withdrawal kasi po ang Presidente ang chief architect ng foreign policy plus kung titingnan natin, talagang nanggigil lang ‘yung kalaban, ‘yung mga oposisyon,” paliwanag ni Tolentino.

Ipinaliwanag ni Tolentino na nagpakabihasa sa Public International Law sa University of London na 30 porsiyento lamang ng mga bansa sa mundo ang kasapi ng ICC at ang mga kilalang superpower na estado kagaya ng Estados Unidos, Russia at China ay piniling hindi sumali o nilisan na ang nasabing ahensya.

“Seventy percent ng population ng planeta natin ay hindi represented ‘yung countries nila.
Thirty percent lang ang represented sa ICC. So speaking of big countries, like Russia, China, USA,” paliwanag ni Tolentino.

Ang pagsali sa ICC ay inihalintulad ni Tolentino na parang “elective subjects” kolehiyo kung saan hindi makakaapekto sa estado ng isang estudyante kunin man nito o hindi ang isang paksa.

“Elective nga parang sa college, kahit hindi mo kukunin ‘yung kurso, ga-graduate ka,” paliwanag ni Tolentino.

Dagdag ng dating political adviser ni Pangulog Rodrigo Duterte, wala ring magiging masamang epekto ang paglisan ng Pilipinas sa ICC sa usapin ng pandaigdigang kalakalan dahil ang mga malalaking trading partners ng bansa ay hindi parte kagaya ng China at Amerika ng nasabing organization na hango sa Rome Statute.

“Walang relations sa China, major trading partner. ‘Yung relation sa US, major trading partner. Non-member din sila ng ICC. Wala akong nakitang negative effect,” paliwanag pa ng dating alkalde ng Tagaytay City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?