21

Sep 10, 2020 @ 15:51
By

Tolentino sa BSP: Hinay-hinay sa pagbebenta ng ginto

Binalaan ni Senador Francis Tolentino ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa plano na magbenta ng maliit na bahagi ng reserbang ginto ng bansa sa gitna ng kasalukuyang health crisis bunsod ng global coronavirus pandemic.

Ginawa nito ang pahayag sa budget hearing ng panukalang P4.5 trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa 2021, kasunod ng ulat na kinokonsidera ng BSP ang pagbebenta ng gold reserves para mabawasan ang gross international reserves (GIR) ng bansa.

Sa record ng BSP, umabot na sa $98.6 bilyon ang international gold reserves ng Pilipinas.

Pinaalalahanan ni Tolentino si BSP representative Deputy Governor Francisco Dakila, na ilang probisyon sa Republic Act No. 7653 o New Central Bank Act of 1993 ay may limit sa pagbenta ng gold reserves sa panahon ng emergency situation.

“The BSP family should be aware of RA 7653 specifically Section 72 and I quote, emergency restrictions on exchange operations… they may temporarily suspend or restrict the sales of gold,” babala ni Tolentino.

Paglilinaw naman ni Dakila, hindi naman karamihan ng bahagi ng gold reserves ang planong ibenta ng gobyerno.

“The planned selling of gold reserves it not only at the discretion of the BSP’s treasury department, but it is also guided by the policy of the Monetary Board,” paliwanag ni Dakila.

Subalit binalaan pa rin ni Tolentino si Dakila na maaaring lumabag sa batas ang BSP at Monetary Board sa kanilang aksiyon dahil kasalukuyang nasa “national emergency” ang bansa.

“So any action taken, the discretionary actions taken by the Treasury Department even it is pursuant to a Monetary Board resolution, should take into account the national emergency we are in right now,” sabi ni Tolentino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?