566
Tolentino panauhing pandangal sa Araw ng Kalayaan sa Lungsod ng Davao
Jun 9, 2019 @ 17:04

Tolentino panauhing pandangal sa Araw ng Kalayaan sa Lungsod ng Davao

JOHN CARLO M. CAHINHINAN

Panauhing pandangal si Senator-elect Francis Tolentino para sa pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Kasarinlan sa Lungsod Davao ngayong darating na Hunyo 12.

Ayon kay Tolentino, mismong si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang nagkumbida sa kanya upang maging Guest of Honor ng nasabing pagdiriwang na gaganapin sa Rizal Park sa tapat lamang ng palacio municipal ng nasabing lungsod.

Isa umanong malaking karangalan para kay Tolentino na tubong Lalawigan ng Cavite na paunlakan ang imbitasyon ni Mayor Sara sa nasabing pagdiriwang.

Si Tolentino ay isa sa siyam na senatorial bets ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Mayor Sara na nagwagi sa katatapos lamang na midterm elections nitong isang buwan.

Noong isang taon, nagtungo ang ama ni Mayor Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte sa makasaysayang bayan ng Kawit sa Cavite upang pangunahan doon ang flag raising ceremony para sa Araw ng Kalayaan.

Sa bayan ng Kawit unang inihayag ng pangkat ni dating Pangulo at Heneral Emilio Aguinaldo ang proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas mulas sa Kaharian ng España. Ang nasabing proklamasyon ng kasarinlan ay isunulat at binasa ng abugadong si Ambrosio Rianzares Bautista.

Samantala, wala pang abisido ang Palasyo ng Malacañang kung saang flag raising ceremony dadalo ang Pangulo ngayong darating na Hunyo 12.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?