12

Dec 14, 2020 @ 20:56
By

Tolentino nagpasalamat kay Duterte sa back-up gov’t center

Kinagalak ni Senador Francis Tolentino ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang executive order na magtatatag ng “National Government Administrative Center” (NGAC) sa New Clark City, Tarlac.

Ang NGAC ay magsisilbing mga “backup” office ng mga ahensya ng gobyerno sakaling magkaroon ng sakuna sa Metro Manila.

“Ako ‘yung nagsasabi noon ng tungkol sa Business Continuity Plan at magkaroon ng alternative National Capital Region. Kaya nagpapasalamat ako sa Pangulo, nilagdaan niya ‘yung pagtatalaga sa Clark Field bilang alternative government capital kung sakaling magkakaroon ng isang malaking disaster,” pahayag ng mambabatas sa panayam ni Jon Ibanez sa programang “Balitaan at Kumustahan” ng Politiko Live.

“Lipat lahat ng kagawaran, lilipat din ang business sector sa Clark. So mayroon nang pinirmahan ang Pangulong Rodrigo Duterte na executive order diyan at ako po’y natutuwa. Siguro sa legislation, palakasin ‘yung executive order na iyon—matulungan na imandato talaga na lumipat ‘yung mga… marami na pong nandoon eh, DOTr alam ko nandoon,” dagdag niya.

“Kung makakalipat lahat doon at alam ko binibigyan na rin ng lupa doon ang Supreme Court para hindi lamang sila sa Baguio mag-summer session. So kung magkakaroon na tayo ng alternative administrative capital, malaking tulong iyon, kung anuman ang tatama sa atin. Huwag namang pahintulutan ng Panginoon,” patuloy pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?