326
volleyball
Mar 21, 2018 @ 22:04
By

Tolentino, Madayag, Maraguinot inakay ang Lady Eagles

Namayagpag sina Kat Tolentino, Maddie Madayag, at Jho Maraguinot para iuwi ang panalo ng Katipunan-based volleybelles.

Nagpatuloy ang paglipad ng Lady Eagles matapos talunin ang University of the East, 25-14, 18-25, 25-13, 25-18, kahapon sa 80th UAAP women’s volleyball tournament sa The Arena,San Juan City.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Ateneo de Manila Manila para sa pangkalahatang kartadang 7-3 at lumapit sa semifinals.

Pagkatapos nang pinakalaylay na umpisa ng Lady Eagles 0-2 sa pagmando ni coach Tai Bundit, unti-unting bumangon ang kaniyang koponan para sumampa sa no. 2 spot at puwede pang maging number 1 kung sakali.

Lalo pang nabaon ang Lady Warriors sa 2-8 baraha at sa pinakailalim ng walong paaralang liga.

Sunod sa landas ng Ateneo ang Adamson University sa Linggo, Marso 25, na sa una nilang paghaharap ay umabot ng limang set at nakuha ng Lady Eagles ang panalo.

Kasabunutan naman ng mga balibolistang taga-Rector ang defending champs De La Salle University sa Sabado, Mar. 24. Wagi sa unang pagtutuos ang Lady Archers sa straight sets.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?