36

Jul 20, 2021 @ 16:16
By

Tolentino: Limitadong face-to-face class simulan na

Itinutulak ni Senador Francis Tolentino ang dahan-dahang pagpapatuloy ng face-to-face classes sa low-risk na mga probinsya sa bansa para sa nalalapit na pagbubukas ng klase ngayong Setyembre sa gitna pa rin ng pandemya.

Ayon kay Tolentino, ang mga isla ng Guimaras, Biliran, Batanes at Camiguin ay may mabababang kaso ng Covid-19 infection at dapat payagan na ng gobyerno ipagpatuloy ang face-to-face classes para sa mga estudyante habang sinusunod ang minimum health protocol guideline ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Sabi nito, dapat may piling lugar sa arkipelago na dapat payagang mag-face-to-face classes at hindi dapat umaasa sa kasalukuyang blended learning curriculum na pinatutupad ng Department of Education (DepEd).

Ito’y dahil ang distance learning modality – kumbinasyon ng online at modular learning – ay hindi naman talagang epektibo, lalo na’t mahirap ang signal na internet ng mga telco sa bansa.

“It should not be a total online-hybrid modality… it won’t work, it never works,” ani Tolentino.

Bagama’t humingi ng paumanhin ang World Bank sa kanilang ulat na naglalarawan sa Pilipinas bilang kulelat sa education system, naniniwala si Tolentino na bumaba ang natutunan ng mga estudyante sa klase dahil sa kuwestiyonable at hindi epektibong distance learning na uri ng pagtuturo.

Nauna nang inihayag ni Education Sec. Leonor Briones na magsisimula ang school year 2021-2022 sa Setyembre 13 sa gitna pa rin ng banta ng global pandemic.

Dahil marami na rin namang mga guro ang nabakunahan, sinabi ni Tolentino na dapat pag-aralan na gobyerno ang posibilidad na magkaroon ng dahan-dahang pagpapatuloy ng face-to-face class sa mga lugar na walang kaso ng coronavirus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?