182

Feb 13, 2019 @ 11:50
By

Tolentino: Labor Code dapat amyendahan para sa mga manggagawang senior citizen

SAN FERNANDO CITY, Pampanga – Gustong pa-amyendahan ni administration senatorial bet Francis Tolentino ang kasalukuyang probisyon ng Labor Code upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senior citizen na nais pang mag hanapbuhay.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa proclamation rally ng mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte sa harap ng kapitolyo ng Pampanga sa Lungsod ng San Fernando.

Ayon kay Tolentino, marami pa rin sa sektor ng mga senior citizen ang kaya pang makipagsabayan sa bagong henerasyon ng mga manggagawa sa bansa.

“Malalakas pa rin po sila, puwede pa pong magtrabaho,” giit ni Tolentino.

Dagdag pa ng manok ni Pangulong Rodrigo Duterte, imbes na naka tambay lamang ang mga senior citizens matapos ang kanilang mandatory retirement, mas makakabuting payagan pa rin sila ng mga employer na makapag trabaho lalo na kung kaya pa naman ng kanilang katawan.

“Bigyan po natin ng karapatan at puwang ang mga seniors na bumalik sa trabaho, yung (may) gusto lang,” said Tolentino.

Sa ilalim ng kasalukuyang Labor Code sa ilalim ng Republic Act No. 7641, Ang edad mula 60 hanggang 65 ang kinokonsiderang “compulsory retirement age.”

Giit ni Tolentino, isa sa mga unang prayoridad niya kapag na halal sa senado ngayong Mayo ay susugan ang kasalukuyang probisyon ng batas patungkol sa mga retirees na gusto pang makapagtrabaho.

Ayon pa kay Tolentino, makakabuti din sa ekonomiya ng bansa kung papayagan na muling mababilang sa mga uring manggagawa ang mga seniors na kaya pang kumayod dahil muling lalakas ang kanilang purchasing power kung silay magkakaroon muli ng kita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?