24

Oct 21, 2020 @ 20:12
By

Tolentino: Kalat-kalat na pondo sa pabahay, pag-isahin

Dapat pag-isahin na lang ang mga pondong may kinalaman sa pabahay sa ilalim ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).

Ito ang sinabi ni Senador Francis Tolentino sa gitna ng pagdinig ng Senate Committtee on Finance para sa panukalang P3.683 bilyong budget ng DHSUD, kung saan natuklasang higit sa P25.1 bilyong pondo na may kinalaman sa pabahay ang nasa ilalim ng iba’t ibang ahensya imbes na dapat sana ay mapunta ito sa DHSUD ni Secretary Eduardo del Rosario.

Isinusulong ng senador ang paglalagay ng bilyong pondo patungong DHSUD upang matugunan ang inaasahang 6.57 million backlogs para sa programang pabahay ng administrasyong Duterte pagsapit ng taong 2022.

Bagama’t P77.060 bilyon ang inihaing panukalang budget ng DHSUD para sa susunod na taon, P3.683 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management sa 2021 National Expenditure Program na isinumite nito sa Kongreso.

Binigyang-diin ni Tolentino na nararapat lamang na buhusan ng mas malaking pondo ang pabahay dahil ang tahanan ang nagsisilbing pangunahing proteksyon ng bawat indibiduwal laban sa pandemyang dala ng COVID-19 virus.

“It has been stressed over and over that the first line of defense against COVID-19 is your house. But how can you lock down if you don’t have a house of your own? How can we implement a massive housing program if you don’t have a housing budget? We really need more fund for the Department of Human Settlements,” ani Tolentino.

Pinayuhan naman nito si Del Rosario na sumulat ng pormal na liham sa ibang mga ahensyang may alokasyon din sa pabahay upang mapag-isa ang mga nasabing pondo sa ilalim ng DHSUD — gamit ang mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11201, partikular na ang probisyon sa ilalim ng Section 7(G).

Sabi pa ni Tolentino, maaring ibalik ng mga ahensyang may pondo sa pabahay ang kani-kanilang mga alokasyon at ilaan ito para sa DHSUD kung ito’y tatrabahuhin ni Del Rosario.

Dapat din aniyang habulin ni Del Rosario na mapapunta sa DHSUD ang mga pondo sa ibang ahensya gamit ang mandatong ipinagkaloob sa kanya ng batas lalo pa’t meron din nito sa mga ahensyang kagaya ng Office of Civil Defense, Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?