52

Dec 11, 2019 @ 18:42

Toledo, iba pa may pahabol na ginto

Ipinakita ng mga atletang Pinoy ang determinasyon sa 30th Southeast Asian Games kaya naman isa ito sa naging susi ng tagumpay ng bansa.

May natitira pang ilang mga laban Martes ng gabi kaya pormalidad na lang ang muling pagkahon ng Pilipinas sa ikalawang overall championships sapul noong 2015 sa tungo sa pagwawakas ngayon ng 11-nation, 12-day biennial sports meet.

Habang tinitipa ang istoryang ito, nakapag-kamada na ang Pilipinas ng 148 gold, 114 silver at 116 bronze, malayo sa nasa 2-3 na Vietnam na may 95-85-103 at Thailand na naka-91-102-122.

Dalawang ginto pa ang naidagdag ng national athletics team mula kina Eric Shaun Clay sa men’s 400-meter hurdles at Aries Toledo sa men’s decathlon.
Nag-ambag din ng 2 goldang jiu-jitsu team.

Nagwagi si Adrian Rodlfo Erwin Guggenheim kay Willy Willy ng Indonesia, 100-0, upang hablutin ang gold sa men’s U-77kg habang kinaldag ni Annie Ramirez si Cassandra Poyong ng Malaysia , 3-0 sa women’s U-55kg finals sa Laus Events Center sa Angeles, Pampanga.

Naka-bullseye naman ng ‘Pinas sa gold medal sa shooting competition.
Nilista nina Eric Ang, Carlos Carag at Hagen Alexander Topacio ang 338 points sapat upang putukan ang ginto sa men’s trap team.

Tiyak na maganda ang magiging Pasko ng mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa lalo yung mga humakot ng ginto tulad ni gymnastics world champion Carlos Edriel Yulo.

Ito’y dahil sa mga insentibong ibibigay ng gobyerno tulad ng Republic Act 10699 na cash incentives sa kanila.

Tulad ng mga atleta, masaya rin si Philippine Sports Commission Chairman at Team Philippines’ Chef de Mission, William “Butch” Ramirez sa iipinakita ng mga Pilipino athlete.

“We were all hoping and praying for this, but it is still a sweet surprise now that it is actually happening. I am so proud of our athletes. All of them deserve our respect and love,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?