33

Jan 22, 2018 @ 13:45
By

‘Tokhangers’ sumabak sa orientation sa PNP

Isinasailalim ngayon sa oryentasyon ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na mangunguna sa Oplan Tokhang o tinatawag na ‘tokhangers’ na bahagi ng war on drugs ng pambansang pulisya.

Ayon kay PNP Chief Ronald dela Rosa, tapos na ang mga alituntunin para sa muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang ngunit dapat pa aniyang isailalim sa orientation ang mga pulis na kakatok sa bahay ng mga nasa drug list.

Layunin aniya ng orientation para hindi masingitan ang mga lehitimong ‘tokhangers’ ng mga sindikato na kumakatok sa bahay ng umano’y drug suspect at nanghihingi ng pera para maalis ang kanilang pangalan sa drug list.

“Yung orientation na lang ng mga tokhangers, ‘yan na lang ‘yung pina-finilize para before tayo magtokhang, limitado lang ‘yung tokhang doon sa na-orient na mga tokhangers,” sinabi ni Dela Rosa.

Paliwanag pa ni Dela Rosa, na dumaan sa matinding screening ang pagpili sa mga tokhanger at ito aniya ang mga pulis na walang rekord o hindi nasangkot sa anumang iligal na aktibidad.

Kaugnay nito, sinabi pa ng hepe na hindi na aabot pa sa Pebrero ay opisyal nang masisimulan ang Oplan Tokhang sa bansa.

Ito ang ikatlong pagkakataong muling magsasagawa ng pangangatok sa mga bahay ng mga drug suspect ang mga pulis na tinatawag na Oplan Tokhang matapos ang naunang dalawang beses na pinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP para magsagawa ng drugs operations. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?