314

Aug 15, 2019 @ 18:30
By

Toilet para sa PWD, ipagamit sa LGBTQ – Villar

Mas mainam umanong ipagamit muna ang banyong inilaan sa persons with disabilities (PWD) para sa mga LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer).

Ito ang suhestiyon ni Senadora Cynthia Villar kasunod ng naganap na komprontasyon sa pagitan ng janitress ng Farmers Plaza at ng transgender na si Gretchen Custodio Diez matapos pigilin ng una ang huli na gumamit ng banyong pambabae.

“Sabi ko nga dapat gumawa na ng additional toilet or ‘di ba may toilet tayo para sa PWD? Baka pwede iyon na muna ang ipagamit,” reaksiyon ni Villar nang makapanayam kahapon ng mga reporter.

“Kasi minsan may question, ano ba iyan: totoo ba na babae or gusto lang pumunta sa girls’ toilet? Hindi mo malaman, ‘di ba?” dagdag pa nito.

Suportado naman ni Villar ang pagpasa ng “SOGIE (sexual orientation and gender identity and expression) Equality Bill” basta’t ilagay lang aniya sa ayos ang pagpapatupad nito.

“Okay lang iyon basta ilagay lang sa ayos. Kasi may negative, may positive. Supportive naman ako. Iba naman iyong binubugbog sila, sobra naman iyon. Ibig sabihin, hindi mo naman parurusahan. Kung nagkamali, bakit mo bubugbugin?” sabi ni Villar.

“Kaya dapat sa PWD na lang para wala nang problema. Hindi naman palaging nagagamit iyon,” anang senadora.

“Kasi okay lang naman sa mga babae kung hindi sasamahan ng hindi totoo. Tayong mga babae okay lang naman iyon except kung pretending iyon,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?